ANG pagkakasibak kay Sandiganbayan Associate Justice Gregory Ong ay magandang hakbang para lalo pang paigtingin ang paglilinis o pagrereporma sa judiciary. Hindi nag-iisa si Ong sa mga hukom na naaakusahan ng grave misconduct at dishonesty. Marami pa sa kanila at baka mas matindi pa ang mga nagagawang kasalanan. Ang ginawa ng Supreme Court na pagpapatalsik kay Ong ay kapuri-puri at maaaring magbalik ang tiwala ng mamamayan na mayroon pang hustisya sa bansang ito. Marami ang nauuhaw sa hustisya sapagkat mayroong mga hukom na kayang tapalan ng pera. Hindi kaila na maraming tumatanggap ng suhol para lamang paboran ang kanilang kaso. Mayroong nasasadlak sa madilim at mabahong kulungan dahil sa nasuhulan ang corrupt na hukom.
Isang malaking kahihiyan sa judiciary ang ginawa ni Ong. Inilagay niya sa mababang kalagayan ang hudikatura makaraang paboran o idismis ang kaso ng pork barrel queen na si Janet Lim Napoles. Ang kaso ay may kaugnayan sa pagbili ng mga helmet para sa Philippine Marines noong 1998. Kinasuhan si Napoles sa Sandiganbayan subalit sa halip na ma-parusahan, inabsuwelto pa siya ni Ong. Ayon sa mga testigo, madalas ding makita si Ong sa mga party na kasama si Napoles. Nadiin si Ong nang paulit-ulit siyang banggitin sa Senate hearing ng whistle blowers na tumanggap ng pera mula kay Napoles na nagkakahalaga ng P3.1 milyon. Agad namang ipinag-utos ni Supreme Court Chief Justice Maria Lourdes Sereno na imbestigahan si Ong. Hanggang sa lumabas ang katotohanan at napatunayang guilty si Ong sa botong 8-5. Sa pagkakatalsik ni Ong, ang lahat ng kanyang retirement benefits ay hindi niya makukuha. Pinagbabawalan din siyang maglingkod sa alinmang tanggapan ng gobyerno.
Hindi karapat-dapat sa hudikatura ang mga taong hindi mapagkakatiwalaan at may mga buktot na hangarin. Dahil sa kinang ng salapi ay nagagawang iabsuwelto ang taong sumisipsip sa kaban ng bayan. Sana, masundan pa ang pagpapatalsik sa mga hukom na mapapatunayang gumagawa ng kabuktutan at kawalanghiyaan. Matutuwa ang taumbayang kapag nalinis nang ganap ang hudikatura.