Walang palalampasin

Sa wakas, magkakaroon na ng lifestyle check sa mga pulis, at mismo ang DILG ang magsusulong nito. Bunsod ito ng hulidap na naganap sa EDSA kung saan sangkot ang mga pulis. Dalawa sa pulis na sangkot ay mga milyonaryo. Matagal ko nang sinasabi iyan, na ang kailangan lamang gawin ay tingnan ang pamumuhay ng mga pulis na hinihinalang sangkot sa krimen. Kapag lantaran na higit sa kinikita ang pamumuhay o kayamanan, ang natural na sunod na tanong ay kung saan galing ang pera para uma­bot sa ganyang estado sa buhay. Ganito lang naman ang kailangang gawin para masabing kwestyonable ang pinanggagalingan ng kayamanan. At hindi lang mga pulis ang dapat imbistigahan.

Kaya hinihikayat na rin ang mamamayan na kung may alam silang mga pulis na kahinahinala ang kayamanan, sabihin ito sa gagawing investigating body ng DILG. Malaki ang maitutulong ng samba-yanan sa gagawing pagpurga sa mga masasamang pulis na aktibo pa rin sa serbisyo. Ang mahirap lang ay dahil isinapubliko ang gagawing imbistigasyon sa mga pulis, hindi ako magtataka kung nagkakandarapa na ang ilan diyan na itago ang kanilang mga kayamanan. Baka binebenta na ang mga mamahaling sasakyan, hindi na isusuot ang mga Rolex na relo at ano pang mga alahas tulad ng mga gintong kwintas, singsing at bracelet, hindi na rin magsusuot ng Lacoste na T-shirt. Mga titulo baka inililipat na sa ibang pangalan, o uupa muna ng mumurahing tahanan. May mga pulis diyan na nakatira sa mga mamahaling subdivision. Kung paano sila nakabili ng lupain at nakapagtayo ng bahay ay sila na lang ang nakakaalam. Baka mga passport ay sinusunog na at sasabihing nawala. Pero malalaman pa naman kung ilang beses nakalis ng bansa. Tiyak gusto ring malaman ng BIR, na siyang makikipag-ugnayan rin sa gagawing lifestyle check.

Wala namang kailangang ipangamba ang mga walang itinatago. Katunayan nga ay maraming mga pulis ang sang-ayon sa gagawing lifestyle check sa kanila. Alam mong sila ang tapat sa trabaho. Sila rin siguro ay gustong malaman kung sino-sino sa mga hanay nila ang may itinatagong sekreto hinggil sa kayamanan. Malaman na ang mga masasamang damo sa PNP. Walang palalampasin ang gagawing lifestyle check, kung saan pati ang kalihim ng DILG at pinuno ng PNP ay magpapasailalim dito.

 

Show comments