ILANDAANG sundalo ng UN ang umalis na mula sa kanilang mga posisyon sa boundary ng Syria at nagtungo sa panig ng Israel noong Lunes. Masama na raw kasi ang sitwasyon bunsod ng paglapit ng mga armadong rebelde sa kanilang mga posisyon. Sa madaling salita, baka mapinsala pa ang mga sundalong nagbabantay sa kapayapaan sa pagitan ng Israel at Syria. Armado pa naman ng mga malalakas na armas ang mga rebelde.
Hindi ba’t ganito rin ang sitwasyon ng mga Pilipinong sundalo na nakadestino sa position 68? Nalagay rin sila sa masamang sitwasyon, pero imbis na sumuko o umalis kaagad ay lumaban muna sila dahil umatake at pinaputukan na sila ng mga armadong rebelde. Nauubusan na sila ng bala kaya minabuting tumakas sa unang pagkakataon. Kung marami pa silang mga bala at mas malalakas na armas tulad ng heavy machine guns, mortars at rocket launchers, siguradong hindi sila umalis at lumaban nang husto. Dahil sa kanilang ginawa, binansagan pa silang mga duwag ni Gen. Iqbal Singh Singha.
Ano na ngayon ang masasabi ng heneral na iyan, ngayong wala nang mga sundalong UN sa panig ng Syria? Aalis din pala kapag nalagay na sa masamang sitwasyon. Duwag na rin ba silang lahat? Hindi pa ba masamang sitwasyon ang ginawang pagbangga ng gate ng position 68 ng mga rebelde? Ano pala ang garantiya ni Singha kung sumuko nga ang mga Pilipino? Hindi kaya naging bihag din sila tulad ng Fijians?
Kaya ano pala ang pinagkaiba ng pagtakas ng mga Pilipinong sundalo, sa ginawang pag-alis sa kani-kanilang mga posisyon ng ibang sundalo mula sa ibang bansa? Sumama ang sitwasyon, nagpasya nang umalis. Ganun din ba ang kanilang inutos sa mga Pilipino sa position 68? Nagkaputukan na nga na tumagal ng pitong oras hindi ba?
Kung ganito rin lang ang mga patakaran ng UN sa mga peacekeeping missions, baka wala naman palang silbi ang mga ito. Dapat pag-aralan ang mga patakaran na gumagabay sa mga masasamang sitwasyon. Kung wala pala silang planong makipaglaban sa mga lumulusob na rebelde, ano pala ang silbi nila? Nangunguna pa rin dapat ang pagtanggol ng sarili.