EDITORYAL - ‘Kidnapulis’
PABABA nang pababa ang pagkilala sa mga miyembro ng Philippine National Police (PNP). Kulapol na nang dumi ang organisasyom. Madungis na madungis. At walang ibang nagdudungis kundi ang mga miyembro na rin. Wala nang pagmamahal sa kanilang organisasyon ang mga miyembro kaya gumagawa nang masama.
Kidnapping ang “sideline” ng mga pulis ngayon. Mas nakakatakot sapagkat kahit sa gitna ng kalsada at sa paningin nang maraming tao, isinasagawa ang pangingidnap. Walang anumang haharangin ang sasakyan ng target na kikidnapin at tututukan ng baril. Sa isang iglap, tangay na nila ang biktima at pinasusuka na ng pera. Mas madali kaysa mangotong o manghulidap na barya lang ang kikitain. Sa pangingidnap, milyones ang kikitain.
Katulad ng isinagawa ng siyam na pulis mula sa La Loma Police Station 1 noong Setyembre 1. Hinarang nila ang sasakyan ng dalawang negosyante sa EDSA, Mandaluyong dakong alas dos ng hapon. Binasag ng isang pulis ang bintana ng SUV ng mga negosyante at tinutukan ng baril. Minaneho nila ang SUV at dinala mismo sa police station. Umano’y P2 milyon ang nakuha sa mga biktima.
Lingid sa mga “kidnapulis”, napiktyuran ang pangyayari at ini-upload sa internet. Naging viral. Hanggang sa kumilos na ang PNP at dalawa sa “kidnapulis” ang nadakip. Hinahanap pa ang pito. Ang mga “kidnapulis” ay nakilalang sina: Chief Insp. Joseph de Vera, Senior Inspector Oliver Villanueva, Inspector Marco Polo Estrera, SPO1 Ramil Hachero, PO2 Jonathan Rodriguez, PO2 Mark de Paz, PO2 Ebonn Decatoria, PO2 Jerome Datinguinoo at PO2 Weben Masa. Ayon sa report, tatlo pang pulis ang isinasangkot sa kidnapping.
Hindi na nakapagtataka kung bakit tumataas ngayon ang bilang ng mga nakikidnap. Ayon sa report, mula Enero hanggang Agosto, 16 na insidente ng pangingidnap. Maaaring mga pulis ang may kagagawan nang pangingidnap.
Ang hinihintay ng taumbayan ngayon ay ang mabilis na pagsasampa ng kaso sa mga “kidnapulis”. Kapag walang naparusahan sa mga “kidnapulis”, lalo nang bababa ang pagtingin sa PNP. Hamon ito kay PNP chief Alan Purisima.
- Latest