NAGTATAKA ba kayo kung saan napupunta ang mga pagkain na expired na? Ayon sa Food and Drug Administration, dapat tinatanggal daw ng mga tindahan ang mga pagkain na malapit nang mag-expire, at hindi na dapat ibinabalik sa merkado. Pero masama nga bang kumain ng mga pagkain na expired na?
Natagpuan ang ilang tindahan sa Quezon City na nagtitinda ng mga pagkain tulad ng mga imported na tsokolate at de-lata sa napakamurang halaga. Higit kalahati ang mura kumpara sa mga supermarket. Nang siyasating mabuti ang mga de-lata at tsokolate, napansing burado o tinanggal na ang expiration date ng mga ito. Kaya pwedeng sabihin na ang mga murang paninda ay mga expired na pagkain na nga.
Ayon sa batas, dapat tinatanggal ng mga tindahan ang mga pagkain na malapit na mag-expire. Pero walang sinasabi ang batas kung ano ang gagawin sa mga expired na pagkain. Problema na raw iyan ng nagtitinda, basta’t hindi na pwedeng ibalik sa kanilang tindahan. Mahigpit na sinusunod ang expiration date sa mga gatas pambata dahil napapanis kaagad ito.
Ayon naman sa WebMD, depende rin sa pagkain kung pwede pa ito kahit lampas na ang expiration date. Mga de-lata ay mas matagal ang buhay, lalo na kung hindi nakalagay sa mainit na lugar at hindi pa nabubuksan. Pero kapag lumobo na kahit hindi pa expired, huwag na huwag nang subukan kung pwede pa at lason na ito. Mga sariwang pagkain naman tulad ng isda, karne at gulay ay malalaman kung panis na. Itsura at amoy pa lang ay alam na. Mga pagkain na kaila-ngan ng tubig para makain, tulad ng mga instant noodles ay magtatagal nang husto, basa’t hindi butas ang lalagyan. Ang Harvard Law School’s Food Law and Policy Clinic ay may ulat na marami ang nalilito sa mga ibig sabihin ng “expiration date”, “best before” at “sell by”. Nakakalito nga naman.
Ang mahirap lang kasi sa mga itinitindang pagkain na expired sa mga bangketa ay naiinitan masyado ang mga ito. Kung nasa aircon na lugar lang sana, baka pwede pa. Pero kung sa tabi lang ng kalsada, dito peligroso na. Walang magagawa ang batas hinggil dito, tulad na rin ng pagtinda ng “pagpag”. Burado na ang mga expiration date kaya hindi masasabi kung kailan. May mga nagsasabing kahit lampas na ang expiration date ng mga pagkain ay pwede pa ang mga ito. Kaya kung may nakaing expired na pagkain, huwag mag-panic at isiping nalason ka na. Hindi lang masasabing sariwa, pero hindi naman panis o lason o hindi na ikamamatay mo na. Ganun pa man, ang gobyerno ang dapat magsabi kung papayagan ang pagbenta ng mga expired na pagkain, tulad ng nangyayari ngayon.