Buong bansa’y nagtataka bakit kaya hanggang ngayon hindi pa rin natatapos ang paglitis
sa Ampatuan massacre?
Paglitis sa kasong ito matagal na’t limang taon
ang sibilya’t nasa media kay tagal nang nakabaon --
waring sila’y inip na rin at ang gusto ay magbangon!
Bakit kaya ang hustisya’y hindi pa rin nakakamit
ng naiwang mga anak, magulang kapatid?
Lumuluha na ng dugo sa dalita at hinagpis
nagsasayang ng panahon at salaping gagabinlid
sa hearing sa tanging korte na sa kaso’y dumirinig!
Hanap nila ay hustisyang kay laon nang hinihintay
na kung buhay ang pinaslang may magandang
pamumuhay;
Ang pamilya’y di luluha mga anak nag-aaral
lalo na ang nasa media mas marami ang pinatay
na kung sila’y buhay ngayon kumikita nang marangal!
Ilan sila na naglaho at sa lupa ay nabaon?
Lahat sila’ ay nailibing na ni wala ng ataul;
Ang namuno sa pagpaslang may pera at mga
mansion
kaya itong mga suspect nililitis tinatanong
waring sila’y lalaya pa sa suhulan na umusbong?
Posibleng ang Ampatuan ang gumawa ng suhulan
upang sila ay maligtas sa ginawang kasalanan?
Milyo’t bilyong pera ang nakita sa listahan -
kaya pati mga lawyers ay umatras sa labanan
pagka’t suhol ng mapera hindi nila kailangan?
At ngayon ngang nabulgar na ang suhulang
nagaganap
bakit kaya ang gobyerno di gumawa ng marapat?
Pakilusin ang ahensiya na humakbang magsiyasat
para naman itong kaso magkaroon na ng wakas
at huwag nang hintayin pa ang eleks’yong
magaganap!