MAGMULA nang ideklarang labag sa Konstitusyon ng Korte Suprema ang kontrobersyal na Disbursement Acceleration Fund (DAP), kitang-kita ang hinanakit ni Presidente Aquino lalu na kay Chief Justice Ma. Lourdes Sereno.
Lumutang ang isyu ng Charter-Change at tahasang sinabi ng Pangulo na ibig niyang mabawasan ang kapangyarihan ng Korte Suprema. Halatang nakisimpatiya na rin ang mga kapanalig ng Pangulo sa Mababang Kapulungan na nagsabing maghaharap sila ng impeachment case laban sa pinuno ng Mataas na Hukuman.
Nagsimula na ring kuwestyunin ng Mababang Kapulungan ang Judiciary Development Fund na anila’y isang uri rin ng pork barrel. Hiningi rin ng Kamara ang pagdalo nang personal ni CJ Sereno sa pagdinig na ginagawa nito kaugnay ng kinukuwestyon nilang pondo. Halatang-halata na tinatapatan lang nila ang ginawang pagbasura ng Korte sa DAP. Ngunit ang aksyon ng Korte ay tugon sa public clamor na humihiling sa pagbasura ng lahat ng uri ng pork barrel.
Ngunit sa kabila nito, tahasang sinabi ni Sereno na nananatili ang respeto niya sa ehekutibo lalu na sa Pangulo pero ang hinihingi niya ay respetuhin din ng huli ang mandato ng Korte. Walang nakitang pagkairita kay Sereno. Kung tutuusin, ang mga mahistrado ng Korte ay karaniwang hindi nagbibigay ng panayam sa mga reporter. Hindi rin sila gumagawa ng kani-kanilang mga pahayag sa ano mang isyung nireresolba nila.
Pero si Sereno ay nagkusang magsalita sa publiko para ihayag ang kanyang respeto sa Pangulo sa kabila ng adversarial na reaksyon ng ehekutibo sa naging desisyon ng Korte sa DAP.
May nakahaing mosyon ang ehekutibo para baguhin ng SC ang desisyon nito sa DAP. At sa mga nag-aalab na pahayag mula sa executive department at sa Kongreso, parang nahihiwatigan natin na tinatakot ang Korte Suprema para ang susunod na desisyon nito ay maging pabor sa DAP. Matakot naman kaya ang Korte? Naniniwala akong hindi dahil kung mangyayari ito, magkakaroon ng lamat ang umiiral na demokrasya sa bansa.