MAY bagong paglalahad sa kaso ng pagpatay kay world-class race driver Enzo Pastor. Nahuli ng mga pulis si PO2 Edgar Angel sa isang buy-bust operation kung saan nagbebenta ng shabu si Angel. Sa interogasyon, napag-alaman na siya ang bumaril kay Pastor, sa utos umano ni Domingo de Guzman. Isandaang libong piso ang bayad para sa kanyang pagpatay kay Pastor, at nangakong bibigyan pa raw ng “bonus” kapag napatay na. Dito nakakita ng oportunidad ang mga otoridad para mahuli sa akto ng pagbibigay ng “bonus” ni De Guzman kay Angel. At hindi sila nabigo. Dumating si De Guzman nang hindi alam na hawak na pala si Angel ng mga pulis. Dito na siya nahuli.
At ano ang motibo ng pagpatay kay Pastor? Ka-relasyon umano ni De Guzman ang asawa ni Pastor. Kaya ang asawa ni Pastor na si Dahlia Guerrero ay suspek na rin na kasalukuyang nawawala na. Tila nagtago na rin, at tiyak susubukang umalis ng bansa, kung hindi pa nakakaalis. May kinalaman umano si Guerrero sa pagplano para ma-tambangan si Pastor. Diyos ko. Kung ayaw nang magsama ang mag-asawa, bakit hindi na lang maghiwalay? Hindi mo talaga alam ang gagawin ng tao kapag simbuyo ng damdamin na ang pinag-uusapan. Nawawala na lahat ng tamang pag-iisip, tulad ng mga ito. Kawawa naman ang mga naiwan nilang anak. Patay na ang ama, nagtatago naman ang ina, at kung mahuli, baka makulong pa.
At ganito na ba ang nagiging sideline ng pulis ngayon? Kung hindi nagbebenta ng iligal na droga, nababayaran para pumatay ng tao? Ayokong isipin na karaniwan ito sa mga pulis. Maraming pulis diyan na maayos at tapat sa tungkulin. Pero ang mga tulad ni Angel ang nakakatakot. Paano naman malalaman ng ordinar-yong mamamayan kung sino ang malinis at sino ang kriminal, kung parehong naka-uniporme?
Maganda naman at nagkaroon ng mabilis na resulta ang imbistigasyon sa pagpatay kay Pastor. Ganito ang gustong mabasa ng mga mamamayan. Mga nalulutas na krimen kung saan nahuhuli ang mga pangunahing suspek. Kailangan ng lipunan ang mga ganitong resulta pagdating sa krimen, kahit kulang na kulang ng pulis ang PNP. Hindi puwedeng umiral ang takot at pangamba sa ating lahat.