SA Amerika at Europa, kapag nagpapalit na ng kulay ang mga tanawin, maasahan mong pabago na ang panahon. Ang summer, nagiging madilim na autumn, susundan ng malamig na winter at matapos ay ang pagbabagong buhay na hatid ng spring season. Iba dito sa atin. Kapag nagpapalit na ng kulay ang tanawin, isa lang ang kahulugan: Eleksyon na.
Exhibit A: isang Pangulo na walang bukambibig mula sa umpisa ng kanyang termino na itutuwid nya ang daan at lahat ng kabaluktutan ay aayusin nang naaayon sa batas at Konstitusyon. Ngayong malapit nang matapos ang kanyang itatagal sa puwesto, nag-iiba na ang kulay at nagbibigay ng kung ano-anong dahilan upang maamyendahan ang Saligang Batas. Oras na mangyari ito, wala nang magiging balakid sa pananatili sa posisyon kahit pa lampas na sa takdang termino.
Exhibit B: mga Senador na pinagkatiwalaan ng taong bayan ng mando upang mag-akda ng reporma. Imbes na asikasuhin ang pagsasabatas ng panukala, ang iniintindi ay kung paano pababagsakin ang karibal sa pulitika habang ginagamit ang pribilehiyo ng kanilang opisina. Sa kaso nina Senador Enrile, Estrada at Revilla, nakita na kung papaano namili ang mga Committee ng kung sino ang sasampolan at sino ang puproteksyunan. Meron na bang isinunod sa kanila ang Blue Ribbon Committee gayong mismong ang COA ang nagsabing mayroon pang mga Senador na kasabay na dapat imbestigahan? Ngayon naman – garapal masyado ang paninirang ginagawa nina Senador Trillanes kay Vice President Jejomar Binay batay sa mga testimonya na malinaw na hindi napapangatawanan ng mismong nagtatapon ng akusasyon.
Ayon kay Cong. Joselito Atienza ng Buhay Party List, huwag sanang sayangin ng mga Senador ang oras at pera ng tao para lamang sa sarili nilang pulitikal na interes. Lalong lalo na sa kaso ng mga Binay na iniimbestigahan na ng Ombudsman. Sa halip ay sana’y gawan na nila ng batas ang mga pangangailangan ng bansa nang maibalik ang kumpyansa at tiwala ng taong nawala dahil sa iskandalo ng Pork Barrel at DAP.