‘Kriminalidad sa bansa, bumaba raw?’

IPINAGMAMALAKI ng Philippine National Police (PNP) na bumaba ang kriminalidad sa bansa sa kabila ng mas malawak na pagtatala ng reklamo at sumbong o ang bago nilang crime reporting system.

Hindi na ako magpapaka-espisipiko pa, basta ang sinasabi ng ahensya, bumaba ng 15% ang krimen. Hindi malinaw sa inilabas nilang datus kung anong mga lugar at saan malaki ang kontribusyon sa nasabing bahagdan.

Walang masama kung ito man ay totoo. Ang problema, hindi ito ang nakikita at nararamdaman ng publiko.

Tumatak na sa isipan ni Juan Dela Cruz ang persepsyon na ang mga pulis laging huli sa mga responde at karamihan sa mga reklamo at sumbong, natetengga lang sa mga blotter book ng presinto.

Magiging sirang plaka na ako sa paulit-ulit na pagtalakay sa aking programang BITAG Live at sa kolum na ito sa usapin ng pagpapatupad ng batas, pero patuloy pa rin akong magsasalita hangga’t may napupuna at nakikita akong kulang, mali at iregularidad.

Napakahalaga ng papel na ginagampanan ng mga alagad ng batas. Prayoridad at unang-una nilang tungkulin angcrime prevention o pigilan na maisagawa ang anumang uring krimen.

Subalit, sa Pilipinas, mangyayari lamang ito kung nakikita at nararamdaman ang kanilang presensya sa mga lansangan.

Sa anunsyong bumaba ng 15% ang krimen, gustong malaman ng BITAG Live at ng taumbayan kung papaano ito bumaba at kung ano ang mga hakbang na kanilang ginawa.

Ito ba ay dahil sa mabilis nilang pagresponde matapos tumawag ang pobreng reporting party sa 117, ito ba ay sa aspeto ng crime solution o pagresolba ng krimen o puro estatistika lang para sabihing sila ay nagta-trabaho at may ginagawa.

Sa madaling sabi, tulad ng mga “KKK” na mga gabinete sa gobyerno, puro lang performance at accomplishment reportpero walang nakikitang resulta.

Naniniwala ang BITAG Live na hangga’t hindi siniseryoso ng pamahalaan ang pagsasaayos ng central communication system, patuloy na lolobo at tataas ang kriminalidad.

Hindi ko layunin na maliitin, batikusin at gawing kakatawanan ang PNP. Pinupuna ko lang ang mga kahinaan at kakulangan sa kanilang hanay para mapagtuunan ito ng pansin ng mga namumuno sa pamahalaan.

Abangan ang BITAG Live araw-araw na sabay na napapanood at napapakinggan tuwing alas 10:00-11:00 ng umaga sa Radyo5 92.3 News FM at AksyonTV.

Show comments