Hotlines: 09213263166, 09198972854
Tel. Nos.: 6387285, 7104038
NAYAYAKAP subalit may humaharang sa dibdib. Higpitan mo ang yapos at lalapat ang matigas na bagay… sa iyong pagbitaw kapit pa rin sa balat ang amoy nito na parang natuyong dugo.
Ganito inalala ni Ricky De Vera Dolim ng Rodriguez, Rizal ang rehas na pumapagitna sa kanila ng amang si Rufino o “Opin” Dolim sa loob ng 18 taon.
“Makalabas man siya sa selda, bilang lang din ang sandali dahil may oras ang dalaw,” ani Ricky.
Mag-oonse anyos pa lang si Ricky ng maging bilanggo ang amang si Opin sa City Jail dahil sa kasong pagpatay.
Laking San Roque II, Bagong Pag-asa, Quezon City si Ricky. Nag-iisang anak siya nila Opin at asawa nitong si Herminia, 62 anyos. Landscape contractor si Ricky at noo’y Head ng mga Tanod sa Substation ng Brgy. Pag-asa.
Kapag may nangyaring gulo, sanay na si Ricky na sa kanilang bahay agad ang takbo dahil nga sa head ng mga tanod itong si Opin.
Ika-10 ng Pebrero 1996, kaarawan ni Opin… nanonood si Ricky ng TV, katabi niya ang ina at ang tulog na ama dahil lasing matapos magpainom sa bahay ng kanyang kapatid na si Lito. Bigla dumating kumpare ng amang si Sancho Rapsing o “Anso”, tanod din. “P’re may patayan sa labasan…” paggising nito.
Agad siya sumama kay Anso at sa dalawa pang tanod. Sumunod ang noo’y 10 taong gulang na si Ricky. Nakita niyang palakad palayo ang ama.
Kinabukasan pag-uwi ni Ricky galing eskuwelahan, binalita na lang sa kanyang nakakulong na ang ama. Patagal inilipat din si Opin sa City Jail.
“Ang pangako sa’kin ni papa makakalabas agad siya agad pero ilang taong ding sa loob kami nagpapasko at bagong taon,” pagbabalik tanaw niya.
Dalawang taon mula ng makulong si Opin sa Muntinlupa Jail na siya dinala. Habang nagkakaisip si Ricky lumilinaw na sa kanyang malabo na itong makalaya. Nakapag-asawa na siya’t nagkaanak nasa loob pa rin si Opin.
Sa ngayon 18 taon ng nakakulong ang ama. Base sa kopya ng Desisyon na natanggap ni Opin nung ika-12 ng Hulyo galing sa Court of Appeals (Eleventh Division) pirmado ni Associate Justice Nina Antonio-Valenzuela para sa kasong Murder na sinampa ng pamilya ng biktima na si Teofilo Sarabia laban kay Opin at isa pang kinilalang si Severino Para o “Ver”, matapos nilang pagsasaksakin si Teofilo sa iba’t-ibang bahagi ng katawan nito na naging sanhi ng pagkamatay.
Base sa Prosecution, ika-11 ng Pebrero 1996, si Vivencio at biktima ay nasa tapat ng Barangay Security Development Office (BSDO), San Roque, Bagong Pag-asa. Dumating sina Para at Opin. Inakusahan nila na nagnakaw ng balut si Teofilo. “Hindi mo ba nakikilala ang mukhang ito?” tanong ni Para. “Hindi po!” sagot ng biktima.
“I am Ver!” sabi nito sabay palo ‘nightsticks’ sa biktima. Hinawakan ni Opin ang kamay ng biktima at naglabas ng kutsilyo si Ver at pinagsasaksak si Teofilo ng paulit-paulit. Kinabukasan nakita na lang ang bangkay ng biktima sa unahan ng Women’s University Campus, Edsa.
Sa depensa ng mga akusado, naka-duty si Para sa Brgy. Outpost ng marinig na may dalawang lalakeng (ang biktima at ang nagtitinda ng balut) nagsisigawan.
Nilapitan niya ang mga ito at tinanong ang tindero kung anong problema. Kwento nito, umalis siya sa kanyang mesa para bumili ng sigarilyo ng pagbalik niya sa kanyang pwesto nandun na si Teofilo. Pinaalis niya ito.
Pagbalik ni Para sa outpost, nakita niya ang lalaking si Vivencio. Tinanong siya nitong, “Bakit, sino ka ba?”. Sagot ni Para Brgy. Security Development Officer siya dun. “Walang, bara-barangay tanod!” sabi raw nito.
Makalipas nito, pinuntahan daw niya ang tindero ng balut at nakipag-away. Sinubukan silang awatin ni Para subalit giit ni Vicencio, “Di ba sinabi ko na sa iyong walang bara-barangay tanod sa akin.”
Nagsimula raw manggulo si Vivencio, pinalo niya ng ‘night sticks’ sa ulo si Para at sumunod naman pinuntahan ang balut vendor at sinuntok sabay nanakbo.
Pagtayo ng balut vendor kumuha siya ng isang bagay sa bewang at hinabol ang biktima na noo’y nakatayo sa gilid ng daan. Isang Noel Turla ang lumabas mula sa madilim na sulok at nakisali sa paghabol sa biktima.
Dahil nagkagulo na humingi na siya ng tulong kay Opin at rumisponde sa gulo. Umuwi na itong si Opin, naiwan naman si Para at tinuloy pagbabantay.
Kinabukasan, papunta na si Opin sa brgy. Inispatan na lang siya ng mga pulis at tinanong kung siya ba si Para. Ilang sandali inimbitahan na sila ng mga pulis sa Baler Police Station.
Nagkaroon ng pagdinig ng kaso at nagbaba ng desisyon ang korte nung ika-13 ng Marso 1998. Kung saan GUILTY (beyond reasonable doubt) para sa krimeng Murder sina Para at Opin.
Umapila ang mga akusado nung Marso 18 parehong taon. Ika-14 ng Hulyo 1999 nagsumiteng muli sila ng Brief for the appellants sa Korte Suprema.
Matapos ang ilang taong bakbakan sa Korte, nakitang ‘GUILTY’ at pinagtibay pa ang kasong MURDER kina Para at Opin,
Sinintensyahan siya ng reclusion perpetua o ang pagkabilanggo ng habang buhay. Kinakailangan din niyang magbayad ng halagang P40,000 (moral damages), P50,000 (civil indemnity) and P49,399.75 para sa actual damages.
Katanungan ni Ricky, posible bang makalabas ang ama gayung 18 taon na rin siyang nakakulong. Itinampok namin si Ricky sa ‘CALVENTO FILES’ sa radyo. Ang “HUSTISYA PARA SA LAHAT” ng DWIZ882KHZ (Lunes-Biyernes mula 2:30-4:00PM at Sabado 11:00-12:00NN).
SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, mahabang proseso ang paghahain ng apila para sa ‘Parole at Probation’. Ang daming mga bilanggo na sobra-sobra na ang oras na minamalagi ‘di pa rin makakuha ng ‘parole at probation’. Sa ilalim ng ating ‘Indeterminate Sentence Law’ dapat kalahati ng sentensya na ang kanyang napagsilbihan.Hindi saklaw ang Murder o ibang mabigat na kaso na may parusang ‘Life Imprisonment’. Maaari lang mapagbigyan kapag pinatawad siya ng Pangulo ng Pilipinas sa pamamagitan ng ‘Executive Clemency’. Maari rin silang maghain ng ‘Commutation of Sentence’ kung maganda ang kanyang record habang siya’y nakakulong.
Ang Life Imprisonment ay katumbas ng apatnapung taong pagkakakulong.
Sa huli, kailangan pang bayaran ng nahatulan ang mga danyos na inilagay ng korte para sa pamilya ng kanyang napinsala bago siya payagang makalabas.
(KINALAP NI MONIQUE CRISTOBAL) SA MGA BIKTIMA NG KRIMEN o may problemang ligal magpunta sa 5th floor CityState Centre bldg. Shaw Blvd., Pasig. O magtext sa 09213263166, 09213784392, 09198972854. Landline 6387285 / 7104038. O mag-message sa www.facebook.com/tonycalvento