Trapik
NANG masungkal nina Manila Mayor Erap Estrada at Vice Mayor Isko Moreno ang tabakuhan sa Customs trucking firm maraming Manileños ang nagpalakpakan dahil napaluwag ang trapiko ng lungsod. Maraming tulisan ang nagkamal ng salapi sa pamumuwersa sa mga trucking operators at drivers, he-he-he! Kasi nga ipinataw ang napakabigat na multa sa mga lumalabag sa truck ban kaya maraming trucking industry ang naputulan ng pakpak. Kahit umaandar pa ang makina ng truck na may drayber sa pilahan diyan sa pier na walang Erap pass aangklahan ito ng mga bataan ni Isko at hahatakin sa kanilang impounding area sa Road-10, Vitas, Tondo. Tumataginting na P7,000 ang matatapyas sa truck ope-rator ng pribadong towing company.
Ewan ko lang kung pagdating ng mga araw ay maa-audit ito at kung naipapasok sa bankaroteng kaban ng lungsod ng Maynila. Ang masakit pa nito mula nang magkabuhol-buhol ang trapik walang traffic enforcer na nagmimintina sa mga intersection papasok at papalabas ng Port Area kasi nga lahat nang mga doberman nina Erap at Isko ay nakatutok sa towing dahil nandoon ang pagkakaperahan, he-he-he! Ngunit ngayon na natupad na ang pangarap nina Erap at Isko na rendahan ang mga trucking firm nakapagtataka na lalong lumobo ang problema ng trapiko sa Maynila. Kasi nga ang domino effect nito ay naging barado ang halos lahat ng mga pangunahing lansangan ng Metro Manila.
Kaya kamot sa batok at tiyan na lamang si MMDA Chairman Francis Tolentino matapos masira ang kanyang pangarap na mapaluwag ang daloy ng trapiko. Ngunit kung napakunot ang noo ni Tolentino, sumikat naman si LTFRB Chairman Winston Ginez dahil naging giya niya ito upang tuldukan ang matagal nang pamamayagpag ng mga colorum na trucking sa bakuran ni Bureau of Customs Commissioner John Sevilla. Ngunit hindi basta-basta naipataw ni Ginez ang kamay na bakal sa mga trucking firm dahil lumobo na ang problema sa loob ng South Habor, Manila International Container Terminal at North Harbor. Kasi nga mula nang ipatupad nina Erap at Isko ang truck ban sa Maynila ay nagsikipan ang mga shipping yard nina International Conter Terminal Services Inc., Mr. Enrique Razon at Asian Terminal Inc., Mr. Rashed Ali Hassan Abdulla at Director/President Eusebio H. Tanco sa mga bakanteng container na dapat ay ibalik nila ito sa mga port of origin.
Kaya sa sobrang bagal ng pagkarga at pagdiskarga ng mga container sa shipping yards ay nagkabuhol-buhol na ang trapiko sa Metro Manila. Ang masakit dahil sa congested ng mga kargamento sa Pier lumobo na ang presyo ng mga bilihin kasi nga ipinapataw ng mga negosyante ang mga gastusin sa paglalabas ng mga trucking firm sa bakuran ng Philippine Port Authority at kasama na riyan ang pera-perang ordinasa nina Erap at Isko sa Maynila. Sa ngayon umaabot sa 20 barko ang nakatingga sa laot na naghihintay na makapagdiskarga ng kanilang mga kargamento dahil sa super bagal na serbisyo ng ICTSI at ATI. Kaya ang mabuting gawin nina Erap, Isko, Tolentino, Ginez at Sevilla ay makipagpulong kina Razon, Abdulla at Tanco dahil ang balitang nakarating sa akin kakarag-karag na ang mga pasilidad sa pagkarga at pagdiskarga ng mga container sa Pier. Abangan!
- Latest