Trabaho lang?

NAGSALITA ang ilang mga aktibo at retiradong heneral ng AFP. Hindi daw dapat idinadaan si dating Gen. Palparan sa “trial by publicity” dahil sa ilalim ng batas, siya ay inosente hanggang sa mapatunayang may sala. At hindi rin daw tama na tawagin siyang “berdugo”, terminong ginamit mismo ni President Aquino sa kanya, dahil ginagawa lamang ang kanyang trabaho na labanan ang mga kaaway ng bansa. Sa madaling salita, ipinaalam ng AFP na sila’y nasa kampo ni Palparan, anuman ang kanyang ginawa noong aktibo pa sa AFP. Para kong narinig ang mga fraternity kapag may napapatay sila sa kanilang mga hazing.

Naiintindihan ko ang peligro ng ating mga sundalo sa kanilang pakikipaglaban sa mga rebelde at insurekto ng bansa. Sa mga armadong kalaban ng bansa. Trabaho nila ang ipagtanggol ang mamamayan mula sa mga kalaban nito. Mga armadong kalaban nito. Pero para sabihin na trabaho rin ng mga tulad ni Palparan ang dumukot ng mga sibilyan, mga di armadong sibilyan, mga di armadong babaeng sibilyan at idaan sila sa labis na paghihirap, pambababoy at pambabastos na isinalaysay ng isang testigong nakakita sa dalawang babaeng estudyante ng UP, mali naman yata iyan. Para mong sinabi na ginawa lang ng mga heneral ni Hitler ang kanilang trabaho sa kanilang pagpatay sa anim na milyong Hudyo noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Ginagawa lang ba ng mga tauhan ng mga Ampatuan ang kanilang trabaho sa pagpatay sa mga kamag-anak ng kalaban nila sa pulitiko at mga mamamahayag?

At kung ginagawa lang pala ni Palparan ang kanyang trabaho, bakit siya nagtangkang umalis ng bansa at hindi na lang harapin ang mga akusasyon sa kanya? Kung suportado naman pala siya ng mga heneral ng AFP, ano ang takot niya? Sa pahayag ng mga heneral hinggil kay Palparan ay mas iisipin ko talaga na may mga nagkanlong sa kanya sa kanyang halos tatlong taong pagtago mula sa batas.

May hangganan ang pahayag na “ginagawa lamang ang trabaho”. Balido ang pahayag kapag saklaw pa rin sa batas ang ginagawa. Ibang usapan na iyan kapag lumalabag na sa batas, tulad ng iligal na detensyon at torture. Ang mahirap ay tila tanggap ang mga pamamaraang ito, lalo na kung may basbas ng mga matataas na opisyal. Mabuti at nahuli na si Palparan, para mapatunayan niya na siya ay inosente. Iyan ang trabaho niya ngayon. Patunayan niya na siya ay hindi isang berdugo.

Show comments