Droga, alak at depresyon

DAHIL sa pagkamatay ni Robin Williams, muling nabibigyan ng pansin ang depresyon. Ayon sa mga ulat, nagpakamatay ang batikang komedyante at artista sa pamamagitan ng pagbigti. May mga sugat din sa kanyang pulso kaya ang hinala ay nagtangkang laslasin ang pulso, pero noong hindi ito nagtagumpay, nagbigti na lang. Ayon sa mga lumalabas na pahayag mula sa mga pamilya’t kaibigan, ilang taon na ring nagdurusa si Williams dahil sa depresyon, na pinagagamot naman. Kaya marami ang nagtatanong, bakit ang isang sikat, matagumpay, masayahing tao na mahal ng milyun-milyon sa buong mundo ang tatamaan ng depresyon? Alam natin ang mga karaniwang sanhi ng depresyon, tulad ng problema sa pera, problema sa mga karelasyon, problema sa pamilya at malubhang sakit. Pero may isa pang sanhi ng depresyon na hindi nabibigyang pansin masyado, ang malulong sa bawal na droga at alak.

Inamin mismo ni Williams sa kasagsagan ng kanyang kasikatan noong dekada sitenta, na gumamit siya ng cocaine at uminom ng alak. Kaya raw ganyan siya magpatawa sa kanyang unang palabas na “Mork and Mindy” ay dahil na rin sa kanyang paggamit ng droga at alak. Mabilis magsalita at mag-isip ng patawa. Tumigil siya noong 1983 at namuhay ng malinis ng dalawang dekada. Pero noong 2003, bumalik siya muli sa pag-inom, dahil nakaramdam daw siya ng “kalungkutan at takot” na sa kanyang paniwala ay malulutas ng alak. Magmula noon, sinubukang itigil ang bisyo sa pamamagitan ng rehabilitasyon at pagdalo sa counseling. Hindi naman daw nagkulang ang kanyang pamilya sa pagmamahal sa kanya, at nanatili pa naman ang kanyang kasikatan sa pagiging artista at komedyante. May apat na pelikula pa nga siyang natapos na malapit nang ipalabas. Pero mukhang ang kanyang paggamit ng droga at alcohol noong bata pa ay nagkaroon ng masamang epekto na sa kanya.

Palagi nating sinasabi na kailangang bantayan ang mga mahal natin sa buhay para sa mga sintomas ng depresyon, tulad ng kawalan ng pag-asa, pagtigil sa mga nakahiligang gawin, madaling magalit, pamamayat, laging pagod, tulog. Ilan lamang ito, at hindi rin ito mga siguradong sintomas na lalabas sa bawat tao. Alam ng kanyang pamilya na dumadaan sa matinding depresyon si Williams, at ginawa lahat para matulungan. Pero may kasabihan nga na ang mas nakakatawang tao ay mas malalim naman ang kalungkutan. Napakasayang lang at nawalan ang mundo ng isang Robin Williams na nagbigay kasiyahan sa marami, kahit siya mismo ay nagdurusa na.

Show comments