ANO ang silbi ng mga karatula tulad ng “No Parking”, “One Way”, “No Jaywalking” at “No Loading and Unloading” kung hindi naman sinusundan, dahil hindi rin naman pinatutupad ng mga kinauukulan? Araw-araw ay makakakita ng mga nakaparadang sasakyan sa ilalim mismo ng mga karatulang ito. Mga sumasalubong sa one way kahit tatlo-tatlo na ang nakalagay na karatula. Mga tricycle na patuloy na bumabaybay sa mga kalsada kung saan sila bawal. Mga tumatawid na wala sa lugar kahit marami na ang namatay at mga pampublikong sasakyan na walang pakialam sa lahat ng karatula sa siyudad. Madalas sa harap mismo ng mga otoridad tulad ng MMDA at PNP.
Ilang milyon ang nasasayang lang sa pagbili ng mga karatulang ito. Kung hindi rin naman pinatutupad ng mga pulis o MMDA, para saan pa ang mga iyan? Mga mungkahi lamang ba para sa mga motorista, mga tumatawid? Pwedeng sundan, puwede ring hindi? Kaya maraming abusadong motorista at pasaway na tao dahil hindi naman pinatutupad ng mga otoridad ang mga batas at patakaran ng kalsada. Wala silang takot na mahuhuli dahil tila pinababayaan lang lahat. Mga malalaking kalsada lang ang binabantayan at pinababayaan na lang ang iba. Kaya mahirap bang intindihin kung bakit napakasama ng trapik araw-araw?
Kailangang ipatupad ng mga otoridad at kinauukulan ang mga batas na ito. Dito rin kasi nagsisimula ang mga matitinding away sa kalsada na minsan ay nauuwi sa sakitan o patayan. Kung nahuli lang si Rolito Go nang sumalubong sa one way sa San Juan, hindi na sana siya nakapatay ng inosenteng tao. Marami na ang namatay sa C5 dahil hindi sumusunod sa tamang tawiran. Sabihin na natin na marami sa ating mga mamamayan ang ayaw talaga sumunod sa mga patakaran, mga batas, kaya kailangang gabayan, kailangang pagsabihan at kung kinakailangan, parusahan.
Ang batas ay batas, maging simple man. Hindi puwedeng sabihin na hindi na susunod sa batas dahil hindi naman sila makukulong kung lumabag. Kung ganun lang ang pag-iisip ay dapat na sigurong maging mabigat ang mga multa at parusa, para sumunod na. Bigyan nang matatalas na ngipin ang mga simpleng batas, para sumunod na ang lahat.