‘Sirena sa ilog’ (Huling bahagi)

KINUTUBAN siya ng ‘di maganda. Uso naman ang mga bagay na nakakalat sa kalsada sa lugar na tinagurian ‘jumping village’ subalit para bang nagsasalita ang mga bubog na may ibig sabihin sa kanya. “Ano kaya ito?”

SA PAGPAPATULOY ng kwento ng 17 anyos na si Mike Dicierra o “Joker” sa misteryo niyang kanyang sa ilog ng Tatalon, Quezon City… maraming tao ang lumabas at tumestigo sa umano’y dahilan ng pagkalunod nito.

Isang tao ang nadidiin kay Elvira “Elvie” Gabarda alyas “Imang” ---matalik na kaibigan ng biktima. Siya raw ang huling nakaaway ni Joker.

Alas kwatro na ng umaga… hindi pa rin umuuwi si Joker. Nakatulog na sina Peche sa paghihintay habang dumating na ang nakakatanda nilang kapatid na si Juan. Galing siya nun sa Calamba, Laguna nagmaneho ng kotse ng kanyang amo ng abutan pa niya ang mga bubog ng basag na bote sa eskinita pauwi…

“Mukhang may nag-away na naman kagabi,” isip-isip ni Juan.

Papasok pa lang ng bahay si Juan sinabi na ng lolang si Elena na ‘di pa umuuwi si Joker. Hindi ito pinansin ni Juan, akala niya natulog lang sa ibang bahay si Joker kaya’t umiglip muna siya.

Bandang 7:00 ng umaga, pagbangon niya sinabi ni Elenang hindi pa rin bumabalik ang kanyang kapatid kaya’t nadesisyon na si Juan na hanapin ito.

“Sige po ako bahala magkakape lang ako,” ani Juan.

Sumandal siya sa pader sa likuran ng bahay, sa manukan napansin niya ang bahid ng dugo sa kulungan ng manok. Sumunod na napaling ang atensyon  niya sa nakataling ampalaya malapit sa ilog na mukhang nadaanan at nagulo ang tubo.

“Tumakbo na ako agad pabalik ng bahay sabay nagpalit ng boxer shorts… tumalon ako sa ilog. Naisip ko ang kapatid ko,” salaysay ni Juan.

Pumalibot na ang mga tao sa gilid ng ilog. Ilang beses sumisid si Juan sa maitim na ilog. Puro burak ito kaya’t wala siya halos makita sa ilalim.

Pangatlong sisid niya nasalat niya ang parang matigas na bagay na nung una inakala niyang kahoy subalit ng kapaing maigi nakapa niyang braso na ito.

“Si Joker na pala hawak ko. Nakayuko na siya… patiklop na ang katawan niya ng makita ko… inangat ko siya agad at nanghingi ako ng tulong

dahil ‘di ko nakayang makita kapatid ko. Paghila sa katawan ni Joker lumubog ako ulit sa ilog,” pagsasalarawan ni Juan.

Pag-ahon ni Juan humagulgol na siya. Nakita niya ang mukha ng kapatid, itim na itim na raw ito subalit pansin pa rin ang galos sa kaliwang pisngi nito.

May galos ito sa tuhod at mga sugat sa paa, mga talsik daw ng bubog. “Nung ihiga namin siya rito na bumulwak ang dugo sa kanyang ilong,” dagdag pa ni Juan.

Hindi matanggap ni Juan na basta na lang mahuhulog itong si Joker sa ilog at malulunod dahil sanay daw itong lumangoy.

 Dahil hinabol daw ni Imang si Joker ng bote papunta ilog, sumbong ng kapitbahay  sa kanila. Nagreklamo sina Juan sa barangay. Pinagharap daw  sina Juan at magulang ni Imang na si ‘Baby’.

Sa halip na sabihin kung anong tunay na nangyari nainsulto pa daw sina Juan ng sabihin nitong hati na sila sa gastusin sa pagpapalibing.

“Hindi po pera kailangan namin. Alam niyo yan. Ikaw Elvie kung sakali lang na nakita mong nahulog ang kapatid ko sa ilog bakit ‘di ka sumigaw at humingi ng tulong?” matigas na tanong ni Juan.

Sagot daw nito, “Wala ako dun. Hinabol ko siya ‘di ko na siya nakita…”

Sa galit ni Juan lumabas na lang siya ng barangay. Giit ni Juan, hindi basta nahulog at nalunod sa ilog ang kapatid.

“Walang hiyaw na narinig nung gabing yun. Tunog lang daw na parang may mabigat na nahulog sa ilog. Kung nadulas ang kapatid ko sisigaw yun… baka wala na siyang malay ng ibagsak sa ilog…” pagduda ni Juan.

Ilang beses ng nagtanong si Juan sa mga nakainuman ni Joker kung may alam sila sa nangyari subalit walang may gustong magbigay ng impormasyon sa kanila. Ito ang dahilan ng pagpunta nila sa amin.

“Kung tunay na kaibigan si Imang dapat pagbabang-pagbaba ng kapatid ko sumilip na siya sa kabaong kung wala siyang kasalanan,” ani Juan

PARA lubusang matulungan ang pamilya Decierra kinapanayam namin sa radyo nung ika-11 ng Hulyo 2014, si Dr. Reynaldo Romero, Deputy Director ng Medico Legal Division ng National Bureau of Investigation (NBI) na siyang nagsagawa ng ‘autopsy’ sa bangkay ni Joker.

Nakitaan pa ng tubig sa baga itong si Joker. Ibig sabihin buhay pa ito ng malaglag sa ilog at pagkalunod ang sanhi ng pagkamatay nito.

Ipinaliwanag ni Dr. Romero na kapag ang katawan ng tao, patay na ng itapon sa ilog hindi na papasok ang tubig sa baga nito. Marami rin siyang nakitang external injuries sa katawan ni Joker partikular sa mga sumusunod: dalawang injuries sa ulo, dalawa sa katawan, lima sa upper extremities at anim sa babang bahagi ng katawan. Puno naman ang tiyan ni Joker ng ‘brownish fluid’.

Sinabi namin marunong lumangoy si Joker, “Kung marunong siya lumangoy at nalaglag siya may malay pwede makaahon siya,” ani Dr. Romero.

Sa pagtataka ni Juan kung bakit hindi ganun katigas ang katawan ng kanyang sisirin sagot ni Dr. Romero, ang bangkay dumadaan sa tinatawag na una, First Stage of Flaccidity (after death) ito’y malambot at mainit-init pa.

Pagkalipas ng dalawa o tatlong oras dadaan na ito sa tinatawag na rigor mortis o pagtigas ng bangkay at pagkatapos ay ang Third Stage o Secon­dary Flaccidity. Ito’y ang muling paglambot ng katawan sa loob ng 24 oras.

SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, malaki ang maitutulong ng Autopsy Report na sinagawa para masimulan ang imbestigasyon. Susuporta ito sa tinatawag na ‘Corpus de Licti’ o (the body of the crime) kung saan matutukoy kung nadulas lang ba talaga itong si Joker at nalaglag sa ilog kaya’t nahulog o posible kayang wala na siyang buhay at inilaglag siya dito. Maliwanag na may ‘foul play’ na nangyari?  Ito ang bagay na aalamin namin sa aming pag-iimbestiga. Maraming pwedeng nangyari sa kasong ito subalit para sa unang hakbang na dapat gawin ng pamilya ni Joker, gumawa ng sinumpaang salaysay itong sina Jetro at iba pang testigo at ipasa ito sa Prosecutor’s Office, Quezon City.

Kasong Murder ang maaaring kaharapin ni Imang dahil sa mga ‘series of circumstantial evidence’ at dahil siya ang huling nakasama nitong si Joker, nakitang hinahabol niya itong papunta sa ilog  at bumalik pa siya.

Ni-refer namin sina Juan sa Public Attorney’ Office (PAO), QC para maasistehan sila sa kaukulang kasong maaari nilang isampa. (KINALAP NI MONIQUE CRISTOBAL) SA MGA BIKTIMA NG KRIMEN o may problemang ligal magpunta sa 5th floor CityState Centre bldg.  Shaw Blvd., Pasig. O magtext sa 09213263166, 09213784392, 09198972854.  Landline 6387285 / 7104038. O mag-mensahe sa www.facebook.com/tonycalvento

Hotlines: 09213263166, 09198972854

Tel. Nos.: 6387285, 7104038

Show comments