Randy Halasan, ikaw na!

HINDI maikaila na naging mabuting halimbawa hindi lamang sa mga kabataan ngunit maging sa lahat ng Pilipino si Randy Halasan, isang 32-year old na guro sa napakalayong sitio ng Pegalongan, Marilog District, Davao City.

Si Randy lang naman ang iisang Pinoy na napili sa pres­tihiyosong Ramon Magsaysay Award Foundation Emergent Leadership for 2014.

Isang napakalaking karangalan na magawaran ka ng Ramon Magsaysay Award dahil tinuturing na itong Nobel Prize sa Asia.

Isang napakamasusing selection process ang ginagawa ng foundation bago nila mapangalanan kung sino man ang mga kasali sa roster ng awardees sa isang taon.

At lumabas ang pangalan ni Randy sa taong ito — dahil sa kanyang mabuting nagawa para sa edukasyon ng mga bata ng tribong Matigsalog sa hinterlands ng Davao City. 

Bago makarating ng Sitio Pegalongan, kailangan ni Randy at anim pa niyang mga kasamahang guro na sumakay ng bus na manggagaling ng Davao City proper ng may dalawang oras, pagkatapos pagdating ng highway sa Ma­rilog ay sumakay ng motorcycle ng may isang oras at saka lang sila magsimulang maglakad na dadaan sa may limang bundok  at tumawid ng dalawang malalalim at malawak na sapa bago makarating ng  Pengalongan.

Doon sa Pegalongan ay naghihintay ang may 175 na pupils na nanggaling pa sa kalapit na barangays sa Bukidnon at Davao del Norte. 

Dugo, pawis at buhay mismo ang inaalay ni Randy upang mabigyan ng edukasyon ang mga batang Matigsalog may pitong taon na ang nakaraan simula nang naging guro siya noong 2007. 

Nang una siyang dumating sa Pegalongan, sinambit ni Randy na hindi siya magtatagal sa lugar dahil nga walang kuryente, walang phone signal at kung anumang naka­sanayan niya sa siyudad. 

Dating city boy si Randy ngunit binago siya ng Pegalongan. Mas naunawaan ni Randy ang pangangailangan ng mga taga Pegalongan kaya nagpasya siyang tulungang maging ang mga magulang ng mga mag-aaral.

Hindi lang naman hanggang classroom si Randy. Hinikayat niya ang mga taga-sitio na gumawa sila ng isang grupo ng mga magsasaka at nang maayos nila ang kanilang pangkabuhayan.

Nagbunga rin ang mga pagsisikap ni Randy at ng kanyang mga kasamahang guro at ngayon ay nadagdagan na ang clasrooms sa Pegalongan at maging mga magsasaka ay nabibiyayaan ng isang rice ang corn miller.

Marami pang ibang nagawa si Randy sa Sitio Pegalongan at wala naman siyang balak iwan ito kahit na nanalo na siya ng Ramon Magsaysay Award. 

Ngunit, kung sakasakali mang kinakailangan na ring lisanin ng Randy ang Pegalongan, gusto niyang maging maayos na ang mga mamamayan dito at makakatayo na sila sa kanilang mga sariling paa. 

Matayog man ang pangarap ni Randy Halasan ngunit hindi siya nawawalan ng pag-asa sa mga pinapakita ng kanyang mga estudyante sa Pegalongan.

Alam ni Randy makakamit din niya ang kanyang minimithi para sa mga taga-Pegalongan. 

 

Show comments