NAKABABAHALA ang nangyayari ngayon sa Maguindanao massacre case. Nababalutan ng kontrobersiya ang maglilimang taong gulang na kaso. Kamakalawa, nagbitiw ang mga abogado ng Ampatuan family dahil sa alegasyon na nagkaroon ng suhulan. Umano’y nakatanggap ng suhol mula sa Ampatuan ang government prosecutors ng halagang P300 milyon. Ang nagbulgar ng panunuhol ay ang abogado ng massacre victims. Sabi naman ng isang private prosecutor, ang pagbibitiw ng mga abogado ng Ampatuan ay isang taktika para ma-delay ang paglilitis.
Maglilimang taon na sa darating na Nobyembre 23 ang Maguindanao massacre kung saan 57 katao, 30 rito ay mga mamamahayag ang walang awang pinatay. May kaugnayan sa election ang pagmasaker. Sumama sa convoy ang mga mamamahayag para saksihan ang pagpa-file ng kandidatura ng kalaban ng Ampatuan family sa pagka-governor. Pero bago pa sila makarating sa Comelec office, hinarang na sila ng 100 armado at pinagbabaril. Inilibing sila sa malalim na hukay.
Ang Ampatuan family ang itinurong may kagagawan sa massacre. Inaresto sila kasama ang iba pang suspek. Nakakulong sila ngayon sa Taguig City jail habang dinidinig ang kaso.
Marami ang nababagalan sa kasong ito. Sa kabila na limang taon nang nililitis ang kaso, wala pang nakikitang pag-asa sa kaso. Marami sa mga kaanak ng biktima ang nahihikayat nang makipag-areglo. Wala raw kasi silang makitang progreso. Mabagal pa sa pagong ang pag-usad ng kaso.
Ngayon nga ay tiyak pang babagal ang pagdinig sa kaso dahil sa akusasyong suhulan na ang sangkot ay government prosecutors. Ayon sa mga abogado ng massacre victims, P300 million ang sinuhol sa prosecutors. Una raw inalok sa mga abogado ng biktima ang pera pero hindi nila tinanggap. At nang ialok daw ito sa prosecutors, kinagat ang multi-milyong suhol. Pinabulaanan naman ni DOJ Sec. Leila de Lima ang akusasyon. May tiwala raw siya sa prosecutors. Ganunman, iimbestigahan na raw ng NBI ang suhulan.
Madaliin ang imbestigasyon sa sinasabing suhulan. Hindi ito simpleng problema lang sapagkat nakasalalay dito ang kahihinatnan ng kaso. Kaila-ngang matapos na ang karumal-dumal na kasong ito at maisilbi ang katarungan. Kailangang matahimik na ang kaluluwa ng mga biktima.