Hotlines: 09213263166, 09198972854
Tel. Nos.: 6387285, 7104038
(Unang bahagi)
SA unang tingin, sa korte ng katawan, bagsak ng buhok at pilantik ng daliri kapag nakatalikod hindi mo aakalaing ‘pag siya’y iyong kinalabit at tinawag … isang ‘sirena’ ang sayo’y haharap.
“Diosa yan si bakla… takot siya majombag masisira ang peslak niya…” ani ‘Janice’.
Sa ilog ng Brgy. Tatalon na kung tawagin nilang “Jumping Village” hindi na bago ang paglutang ng bangkay. Minsan na raw may nalaglag dito matandang lalaki na inanod hanggang gitna ng ilog at isang batang nalaglag sa gilid nito.
Ika-30 ng Hunyo 2014, bangkay naman ni “Joker” ang kanilang natagpuan sa gilid kung saan dati nakatayo ang binaklas nilang bahay.
Sinamahan ni Janice Gabarda, 27 anyos sa aming tanggapan ang ginang na si Marieta “Mayet” Decierra, 50 taong gulang--- ina ng 17 anyos na kaibigang si Mike Deceirra binansagang “Joker”—dahil sa pagiging palabiro.
Kabilang sa LGBT Community o Lesbian, Gay, Bisexual and Transgender Community si Joker. Tanggap naman siya ng kanyang pamilya.
“Masayahing bata si Joker. Mahilig siyang magpatawa… mahilig siyang sumayaw,” sabi ng inang si Mayet.
Pang-pito sa siyam na magkakapatid si Joker. First year high school lang ang tinapos niya sa pag-aaral dala na rin ng kagipitan ng kanilang pamilya.
Mayo 2013 nang ilipat (relocate) ang kanilang pamilya sa Mapulang Lupa, Pandi, Bulacan.
Sa Tatalon, Cluster 6, dating nakatayo ang bahay nila Joker sa gilid ng ilog. Mahigit pa sa isang dekada na silang nakatira rito at sanay na sila sa uri ng pamumuhay sa ilog at sa gulo raw ng kanilang lugar.
Mula ng malipat sa Bulacan, nagtrabaho sa isang kantina sa Bocaue, Bulacan si Joker. Lingguhan siya kung umuwi.
“Maliit lang ang kita niya pero nag-aabot siya lagi ng pera pambaon ng mga kapatid niya. Nitong huli lang siya hindi nagbigay dahil naghulog siya ng binili niyang cellphone…umuwi rin siya sa Tatalon,” ayon sa ina.
Ika-29 ng Hunyo 2014, lumuwas ng Tatalon si Joker. Kwento ni Janice,
bandang 10:00 ng gabi nagkukwentuhan na sila ng pinsang buo ng kanyang mister na si Elvira “Elvie” Gabarda alyas “Imang”, 22 anyos, Joker at ang kasama nito galing Laguna na si “Chona”, 17 anyos—isa ring bading.
Makalipas ang isang oras, dumating si Elaine Gacita, 22 taong gulang dating taga Cluster 7. Dahil unang sahod daw ni Elaine bitbit niya ang isang supot na may laman na Gin.
Galing na daw sa inuman nun si Joker. Dumalo kasi siya ng binyag nung umaga at pumunta naman sa birthday bago pa sila magkita-kita sa may ‘circle’ sa cluster—kanilang tambayan.
Bago pa magsimula ang tagayan, umuwi na si Janice dahil Lunes kinabukasan at may pasok ang kanyang mga anak.
“Una na ko, baka magalit asawa ko pumunta pa rito,” paalam ni Janice.
Mabilis na sumagot si Joker, “Sige, madam naiintindihan kita…gumora ka na.” Ito na raw ang huling pag-uusap ni Janice at Joker.
Pauwi na ng bahay si Janice ng makasalubong niya si Elaine at Imang galing sa bahay ng kanyang biyenan. Nanghiram ang mga ito ng pitsel kung saan titimplahin ang Gin.“Nanghiram sila sa akin e wala rin kami,” ani Janice.
Pagdating sa bahay nag-inom pa si Janice at asawa nito pampaantok.
Nakatulog na silang mag-asawa, nung bandang 2:30 ng umaga ginising sila ng sigaw ng isang babae habang nagbabasag ng bote.
“Tumayo ako agad. Baka may away o kaya may sunog!” ani Janice.
Pagbaba niya ng hagdan, mabilis niyang binuksan ang bintana. Saktong silip din sa bintana ng kanyang kumapareng si “Owa”.
“Pre, ano yun?” tanong ni Janice.
Mabilis na sagot ng kumpare, “Si Elvie ata… may kaaway nagwawala!”
Hindi pinansin ni Janice ang ingay sa labas at bumalik na sa pagtulog.
Kwento niya madalas kapag nagwawala si Imang kaaway nito ang boyfriend niyang si “Toto”.
Kinabukasan, bandang 7:00, pinuntahan siya ng kanyang ninang na si Elena Flores, lola ni Joker. Hinanap ni Elena ang apo.
Buong akala ni Elena kila Janice natulog si Joker. Wala naman daw kasing ibang tutuluyan ang apo kundi sa kanila o kay Janice.
“Malapit sa akin si Joker. Siya ay dati kong taga singil sa pautang ko at alalay ko siya sa pagre-‘rebond’ ng buhok. Sa amin siya madalas matulog,” ayon kay Janice.
Tumulong sa paghahanap si Janice. Tumawag sila sa Pandi, baka sakaling umuwi itong si Joker subalit wala ito.
Sinuyod nila ang buong ‘cluster’, sa pagtatanong nila napag-alaman umano nilang may nakaaway itong si Joker nung gabing nag-iinuman sila, si Imang umano. Ilang mga residente malapit sa ilog umano ang nagsabi na nakita nila si Imang na hinahabol itong si Joker habang binabato ito ng bote ng alak.
“Hinabol niya si Joker papunta sa may ilog, yun ang kwento” ani Janice.
Nang marinig ito, agad nilang naisip na ipasisid ang ilog. Tinawag niya agad ang kanyang bayaw para hanapin si Joker. Hindi pa ito nakakalusob mabilis na tumalon ang kapatid ni Joker na si Mark mas kilala sa tawag na‘Juan’ at sumisid sa ilalim.
Isa… dalawang ahon… hindi nito natagpuan si Joker dahil sa dumi at kapal ng burak. Pumunta siya sa mababaw na parte ng tubig. Ilang sandali kasama ng umangat ni Juan ang kapatid. Bahagya ng nakabaluktot ang katawan (fetal position).
“Tulungan niyo ko si Joker. Iangat niyo si Joker ‘di ko na kaya…” sigaw ni Juan.
Mabilis na inahon si Joker sa ilog. Sabay lubog ulit sa ilog ng kapatid. Hagulgol na ni Juan ang sumunod na narinig sa paligid.
Inihiga si Joker. Diniretso ang kanyang pabaluktot ng kamay at paa. Maya-maya rumesponde na ang mga pulis ng Galas sa presinto 11, pinagpag ang puting kumot na binalot sa patigas na niyang bangkay.
ANO ang tunay na nangyari kay Joker? Bakit siya natagpuang patay sa ilalim ng maruming ilog? ABANGAN ang karugtong ng seryeng ito sa BIYERNES. EKSKLUSIBO dito lang sa CALVENTO FILES sa PSNGAYON.
(KINALAP NI MONIQUE CRISTOBAL) SA MGA BIKTIMA NG KRIMEN o may problemang ligal magpunta sa 5th floor CityState Centre bldg. Shaw Blvd., Pasig. O magtext sa 09213263166, 09213784392, 09198972854. Landline 6387285 / 7104038. O mag-message sa sa www.facebook.com/tonycalvento.