EDITORYAL - Coupwento ni Trillanes

SUNUD-SUNOD ang mga pag-iingay ni Sen. Antonio Trillanes IV. Una ay ‘yung panukala niya na suspendehin na raw ang K to 12 program dahil hindi raw handa ang gobyerno at itong huli ay meron daw nilulutong kudeta para sa kasalukuyang gobyerno. Itong huli ang nakakapag-isip. Kapag kudeta na naman ang pinag-uusapan ay delikado na naman ang kabuhayan ng bansa. Allergic ang mga investors sa usapang kudeta. Itong kudeta na ito ang nagpapagulo sa bansa. Maaaring sanay na rito si Trillanes dahil dalawang beses na siyang nagtangkang magkudeta. Una ay noong 2003 (Oakwood) at pangalawa ay noong 2009 (Manila Peninsula). Hindi sila nagtagumpay sa tangka.

Sabi ni Trillanes, may mga retired generals daw na nagre-recruit ng mga opisyal na nasa active duty para maglunsad ng kudeta laban sa administrasyon ni President Noynoy Aquino. Ang mga retiradong general daw ay mga naglingkod kay dating President Gloria Macapagal-Arroyo. Matibay daw ang kanilang intelligence na may binabalak na kudeta ang mga retired generals. 

Pero ang nakapagtataka sa coupwento ni Trillanes, bakit hindi niya isiwalat ang mga pangalan ng dating generals. Kung talagang may balak na kudeta di ba dapat ibulgar niya kung sino ang mga nagpaplano. Hindi maganda na ipakakalat lang niya ang sinasabing kudeta pero wala naman siyang matibay na ebidensiya. Basta’t ang sinasabi niya ay mga dating generals na identified kay dating President Arroyo. Pangalanan niya sapagkat sandamukal ang mga general na inilagay ni Arroyo sa AFP.

Maski ang tagapagsalita ng Armed Forces of the Philippines ay nagulat sa isiniwalat na coupwento ni Trillanes. Wala raw katotohanan ang mga sinabi ng senador. Wala raw silang natatanggap na intelligence report sa balak na kudeta.

Dapat mag-ingat si Trillanes sa pagsisiwalat ng mga walang basehang inpormasyon na nagdudulot ng pagkakagulo. Maakusahan lamang siya na gumagawa ng ‘‘gimik’’ para pag-usapan. Hindi magandang gimik ang kuwentong kudeta.

Show comments