NANG ako ay itinalagang labor attache sa UAE noong 1983 hanggang naging ambassador noong 1994 up to 1998, napakiusapan ako ng isang heneral na miyembro ng Iglesia ni Cristo (INC) na alagaan at protektahang mabuti ang kanyang mga kapatid sa UAE.
Ang heneral na iyon ay ang tiyo kong si Salvador Seneres.
Sa buong panunungkulan ko roon hindi ako nagkaroon ng problema tungkol sa mga kapatid dahil sila ay mababait, may moralidad at law abiding.
Ang naalaala ko lang na natugunang problema ng INC member doon ay tungkol sa isang nurse na nagtanggol sa kanyang sarili sa pangmomolestiya sana sa kanya ng isang taxi driver na taga-ibang bansa.
Lumaban si kapatid na nurse gamit ang takong ng kanyang sapatos. Nasugatan sa mukha ang taxi driver at tamang-tama naman na may dumaang pulis na nagdala sa kanila sa presinto.
Mga alas nuwebe ng gabi ‘yun nangyari at may mga kapa-tid siya na nagpunta sa presinto para umalalay sa kanya. Pero kahit maliwanag naman na self defense ang ginawa ng kapatid na nurse, pareho silang idinitene at ayaw pakawalan sa kulungan dahil dumanak daw ang dugo ng driver.
Inabot sila ng alas tres ng madaling araw sa police station nang ang isang kapatid ay sinadya ako sa bahay para humingi ng tulong. Naalala ko bigla ang aking tiyo at kaagad-agad kaming pumunta sa presinto na lulan ng official car ng embassy na may nagwawagayway na maliit na bandila ng Pilipinas sa gawing kanan ng hood.
Pagdating namin doon tayuan agad ang mga pulis at sumaludo. Wala pang ilang minuto, binigay sa aking kustodiya ang kapatid na nurse na hinatid ko naman kaagad agad sa kanyang dormitory. Siyempre, si taxi driver ay nanatili sa presinto at pinakasuhan ko para ma-deport.
Minsan naman, ayaw payagan ng mga hotel sa UAE na magdaos ang mga kapatid ng celebration sa kaarawan ni Ka Felix Manalo dahil pinagbabawal pa noon ang malakihang pagtitipon ng mga hindi UAE nationals for national security reasons kaya inalok ko na lang na sa embassy gawin ang anibersaryo.
Mga 600 kapatid ang dumalo at masayang nagsiksikan para lamang maidaos ang birthday ng kanyang Holiness Ka Felix Manalo.
Mabuhay ka po Ka Eduardo at mga kapatid sa ika-100 annibersaryo ng INC.