SONA 2014: Madla sabik makinig dahil...

BUKOD-TANGI ang State of the Nation Address 2014 ni President Noynoy Aquino. Sa lahat ng kanyang SONA mula Hulyo 2010, ito marahil ang pinaka-kinasasabikang marinig na madla. Bakit? Kasi nais nila malaman kung ano ang bibigkasin ng isang Presidente na tinuturing nang politically dead, patay na Panguluhan, ng mga kritiko.

Pinatay ni P-Noy ang sariling Panguluhan noong nakaraang linggo, anang mga kritiko. Ito’y nang batikusin niya ang Korte Suprema dahil sa pagbasura nito, sa botong 13-0, sa kanyang presidential pork barrel na Disbursement Acceleration Program (DAP).

Hindi raw sana nasawi ang kanyang Pangulohan kung nagpaka-statesman si P-Noy. Hindi siya abogado, kaya walang puwersa makipagtalo sa batas, laban sa Korte. Nang lumabas ang desisyon ng Korte na unconstitutional ang DAP, sana marangal niya ito tinanggap, nangako na hindi na uulit, at dinetalye ang daan-bilyong pisong ginasta para patunayan na malinis ang hangarin niya para sa mga maralita.

Pero kabaliktaran ang kanyang ginawa, anang mga kritiko. Tinuya niya ang desisyon ng Korte, at hinamon ito ng komprontasyon. Nanawagan pa sa madla na magsuot ng dilaw o kahit anong memento ng People Power Revolt ng nanay niyang Cory Aquino, para ipaabot sa Korte ang kanila ring pagka-asiwa umano sa ruling. Tapos, nang walang sumali maliban sa iilang mabibilang sa daliri ng mga paa, ibinaling ng Press Secretary ang sisi sa mga mamamahayag. Kesyo sineryoso nila masyado at ibinalita ang panawagan ni P-Noy, na umano’y pabiro lang naman. (Hindi ba niya alam na kahit ano’ng sabihin ng Presidente, maski pabiro, ay sineseryoso?) Sa huli, yupyop-tuhod dumulog sa Korte ang abogado ng Malacañang para hilingin na baliktarin ang 13-0 desisyon.

Matapos singhalan ni P-Noy ang mga mahistrado, mayroon pa kaya sa kanila ng babaliktad at magpapabansag na naduwag sa banta? Wala siyempre. Kaya, hayan, naaagnas na ang Panguluhan ni P-Noy.

 

Show comments