Igihin pa ang pag-iingat

NAKAKAPANGAMBA ang sunud-sunod na aksidente ng mga eroplano. Nagsimula ito sa pagkawala ng Malaysian Airlines MH 370, na hanggang ngayon ay hindi pa mahanap. Sinundan naman ng pinabgsak na Malaysian Airlines MH 17 ng mga rebeldeng kaalyado ng Russia sa Ukraine. Bagama’t hindi pa inaamin ng mga rebelde, tila sila nga ang rersponsable sa pagpatay sa 298 inosenteng tao. Kasalukuyang iniimbestigahan ang insidente, sa kabila ng tila pagdodoktor ng mga rebelde sa nangyaring krimen.

Noong Miyerkules naman, isang TransAsia Airways ng Taiwan ang bumagsak habang palapag na sa isang isla sa Taiwan. Nasa 48 sakay ng eroplano ang namatay, 10 nakasakay ang nasaktan at lima naman ang nasaktan sa binagsakan ng eroplano. Ayon sa unang imbestigasyon, mukhang may kinalaman ang sama ng panahon na dulot ng bagyong “Henry” na tumahak sa Taiwan.

At ngayon, isang Air Algerie flight 5017 mula Burkina Faso patungong Algeria ang nawawala. Nawala sa radar ang eroplano 50 minuto matapos umalis ng Burkina Faso sa Africa. May 116 na sakay ang eroplano.

Ayon sa meteorologist ng CNN, may masamang panahon sa ruta ng eroplano, kaya maaaring lumihis ito para makaiwas. Ito pa lang ang natatanggap nating balita hinggil sa insidente, pero may mga balita na bumagsak na nga ang eroplano.

Nataon lang ba ang mga insidenteng ito, o nagiging kampante masyado ang mga kompanya sa kanilang mga operasyon? Katulad sa kaso ng TransAsia Airways sa Taiwan, bakit lumipad pa rin ang eroplano kung may bagyong tumatahak sa kanilang lugar? Dito sa atin, malakas na ulan pa lang ay kanselado na ang mga lipad, hindi ba?

Ang industriya ng aviation ay isa sa pinakamaingat na industriya sa mundo. Sa totoo nga, ang aviation ang sukat ng kaligtasan ng ibang industriya, dahil hindi nga naman pwedeng magkamali ang eroplanong puno ng pasahero. Kailangan walang anumang aksidente ang maganap habang umaandar ang operasyon, kaya mahigpit ang pagbantay at pag-inspeksyon sa lahat ng aspeto ng aviation­, mula sa mga eroplano hanggang sa mga piloto at tauhang nag-aalaga ng mga ito.

Nakakapangamba nga ang sunud-sunod na aksidente. Dapat maging babala na rin ito sa lahat ng airline na igihin­ pa ang kanilang pag-iingat at pagpapatupad ng mga patakaran at tungkulin hinggil sa kaligtasan at maayos na operasyon ng kanilang mga eroplano. Walang may gustong madagdag sa listahan ng mga bumabagsak na eroplano na tila humahaba itong taon.

 

Show comments