MAHIGIT 90 na ang namamatay dahil sa Bagyong Glenda at mahigit 400 ang nasugatan. Bilyong piso naman ang tinatayang nasira sa inprastruktura. Hanggang ngayon (isang linggo na nakalilipas) ay marami pa rin ang walang kuryente. At masaklap na wala na ngang kuryente ay wala pa ring tubig sa maraming lugar. Grabeng nasalanta ang Calabarzon area o Region 4-A.
Ang pagkakaroon nang maraming casualties ay nagpapatunay lamang na hindi napaghandaan ng mamamayan si Glenda. Sa kabila na mayroong babala sa mga radyo, telebisyon at diyaryo, hindi pa rin nagkaroon ng leksiyon ang marami. Ang ilan ay umalis lamang sa kanilang lugar kung kailan malapit nang mag-land fall ang bagyo. Nagpapakita lamang ito na hindi pa rin natuto ang mamamayan sa kabila na marami nang bagyo ang naranasan sa nakaraan.
Ang pananalasa ng Bagyong Glenda ay dapat nang maghatid ng leksiyon sa mga tao. Dahil hindi nakapaghanda ang mamamayan, marami ang na-ngapa sa dilim sapagkat hindi sila nakabili ng mga kandila, posporo, flashlight at maging ang pangunahing pangangailangan gaya ng bigas, tubig, sardinas, asukal, asin at ganundin ang mga gamot na lubhang kailangan kapag masama ang panahon.
Kahapon ay umalis na ang Bagyong Henry na hindi naman nanalasa pero naghatid ng grabeng pag-ulan at pagbaha sa mababaw na lugar sa Metro pero hindi pa man lubusang nakakalabas si Henry ay mayroon na namang papasok na bagyo at tatawaging Inday. Maaaring pumasok sa bansa si Inday sa Biyernes o Sabado.
Sunud-sunod ang pagdalaw ng bagyo at maaa-ring magdulot ang mga ito nang pinsala sa buhay at ari-arian. Tinatayang 24 na bagyo ang tumatama sa bansa at karamihan ay mapaminsala. Ang Bagyong Yolanda na tumama noong nakaraang taon sa Visayas region ay nag-iwan nang malalim na sugat sa mga biktima. At sa kabila na marami nang karanasan, wala pa ring naiwang leksiyon sa nakararami. Marami pa rin ang nasosorpresa na nag-iwan ng hindi magandang karanasan sa bawat isa.