TINIYAK ng Malacañang na kapag sumemplang pa ang kanilang mosyon para baliktarin ng Korte Suprema ang desisyon nito kontra sa Disbursement Acceleration Program (DAP), yuyukod na sila sa pinal na desisyon.
Salamat naman kung magkagayon. Ang balita ko, nakatakdang “magluksa” ang buong hudikatura dahil sa palaban na posisyon ni Presidente Aquino laban sa desisyon ng Korte Suprema.
Ang mga hukom, kasama na ang mga empleyado ng hudikatura ay magsusuot ng itim na arm band sa Lunes bilang pakikipagsimpatiya sa Korte Suprema. Ito’y labanan na ng mga kulay: Itim kontra Dilaw.
Iyan ang laman ng exclusive na balita ng reporter ng Philippine Star na si Edu Punay. Hindi na dapat humantong sa ganyang situwasyon ang problema. Kaya kung magmomosyon ang Palasyo ay yun na lang ang gawin at igalang ang magiging pinal na desisyon ng Korte.
Nang ideklarang unconstitutional ng Mataas na Hukuman ang DAP, hindi naitago ng buong ehekutibo ang pagkapika nito sa desisyon. Lalu pa marahil nairita ang Malacañang sa katakutakot na batikos na tinanggap ng Pangulo kasabay ng pagsadsad ng kanyang rating na umano’y “pinakamababa” sapul nang siya’y maipuwesto sa Malacañang noong 2010.
Mula sa tagapagsalita hanggang sa Pangulo ay tahasang inihayag na hindi illegal ang DAP na ang ibig sabihin ay tahasang pagsalungat sa Korte.
Maaari namang ihayag ng Palasyo ang saloobin sa paraang mahinahon na nagpapakita ng paggalang sa Korte Suprema.
Kung sinabi na lang sana na iginagalang ng Malacañang ang desisyon ng Hukuman pero ito’y gagawa ng apela o mosyon para mabago ang desisyon,eh di sana’y nawala ang impresyong lumalaban ito sa Korte Suprema. Sa ilalim ng batas, entitled naman ang sino man na magmosyon o umapela nang minsan sa ano mang court decision.
Pero ewan ko lang kung babaguhin ng Korte Suprema ang naunang desisyon nito. Tingnan natin para malaman kung yuyukod nga ang Palasyo sa magiging pinal na desisyon nito.