Above the Law

SA panimula (Preamble) ng ating Saligang Batas, malinaw na nakaukit ang mga katagang Rule of Law. Isa ito sa adhikain ng mamamayang Pilipino kung kaya’t nilalagdaan at pinapahayag nila ang Konstitusyon.

Simpleng konsepto ang Rule of Law. Ito ang prinsipyo na sa pamamahala, kailangan na laging ang Batas ang manaig at hindi ang kagustuhan ng mga namumuno. Pinapahalagahan nito ang mga institusyon at proseso ng gobyerno imbes na ang mga personalidad na pansamantalang nagpapatupad ng mga ito.

Kahit ano pa ang maging ugali ng mga hinalal nating mamuno, kapag matibay ang pundasyon ng gobyerno at tinatanggap ng lahat na batas ang kailangang manaig, mananatiling malakas ang tiwala ng tao sa sistema. Ilang administrasyon na ang nagdaan kung saan sinubukang abusuhin ang kapangyarihan para sa makasa-riling interes. Sa huli ay hindi rin sila nagtagumpay dahil matatag ang ating mga institusyon. Salamat na lang na sa pangangahas ng mga abusadong pinuno ay hindi nila tinangkang bale-walain ang mga takdang proseso ng Saligang Batas.

Ngayon ay mayroon tayong Pangulo na tinatayang pinaka-tuwid na. Hanggang sa ang kanyang sikretong pamamaraan sa paggamit ng kaban ng bayan sa iligal at hindi awtorisadong paraan ay nabisto. Mismong ang Supreme Court ang tumanggap na wala naman yata siyang masamang intensyon sa pagbalewala sa mga patakaran ng Saligang Batas. Subalit imbes na tanggapin ang hatol ng Mataas na Hukuman, harapan itong kinukuwestiyon. At ang malala ay sinisiraan pa nito ang pagkatao ng mga mahistrado sa pamamagitan ng pag-intriga sa kung paano ginastos ang pondo ng Hukuman.

Ang hindi nagawa ng mga diktador at abusado sa kapangyarihan, mukhang kakayanin ng pinakatuwid na Pangulong nakagisnan. Sa isang iglap, naipadala ng Pangulo sa bansa ang mensahe na hindi tayo obligadong respetuhin ang batas at ang mga desisyon ng Hukuman na nagpapaliwanag dito. Higit sa lahat, ibahin nyo ang Pangulo. The President is above the law.

Show comments