Pinesteng sakahan: Alcala, masdan ang ginawa mo

NANG maging agriculture secretary nu’ng 2010, agad pinuno ni Proceso Alcala ang 56 ahensiya ng mga alalay. Nabatid ng mga kritiko na hindi ito pang-katuparan ng pagpapalago ng pagkain, kundi pamumulitika sa Quezon, kung saan dati siyang congressman. Bulung-bulongan na nangangalap ang mga alalay ng pondong pangkampanya sa halalang 2016. Kaya pala dinambong ang pondo ng National Food Authority atbp.

Pinaikutan ni Alcala si President Noynoy Aquino. Napaniwala niya ito na tagalutas siya ng problema. Naitago ang pagpapalala niya ng gulo. Winasak niya ang supply at presyo ng palay sa bansa, at malalaking exports na copra, saging, at tubo mula Southern Tagalog.

Napako ang pangakong rice self-sufficiency sa 2013. Kasi, pareho pa rin ang sakahang palay, pero limang ulit lumaki ang populasyon mula nang pinaka-masaganang ani nu’ng 1975.

Dalawang magkasunod na taon si Alcala umangkat ng bigas. Nabistong overpriced ang daan-daan libong tonelada at ang cargo handling. Gumamit ng private broker para mag-usap ang mga eksperto sa bigas ng NFA at Vietnam. Dahil ‘‘tong-pats’’ ang nasa isip, kapos pala ang inangkat. Resulta: shortage, taas-presyo, at smuggling.

Binale-wala ng abogado ni Alacala, na ipinuwesto niyang hepe ng Philippine Coconut Authority, ang scale insect infestation sa Batangas. Kumalat tuloy ito sa buong Southern Tagalog at Basilan. Nitong linggo, inamin ng Bureau of Plant Industry na pineste na rin ang mga puno ng bayabas, papaya, abokado, mangostin, at lansones sa Southern Tagalog. Nanganganib mahawa ang mga manggahan sa Zambales-Pangasinan at Cebu-Guimaras, tubohan sa Iloilo-Negros, at sagingan sa Davao.

Kokolapso ang sakahan. Magugutom, magkakasakit ang madla.

* * *

Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM). E-mail: jariusbondoc@gotcha.com

Show comments