‘Sarsuelang ‘raid’ sa bigas’

MARAMING gutom ngayon sa publisidad. Malapit na ang State of the Nation Address, lahat nagpupunla, gusto ng accomplishments para sa 2016 national elections.

Nitong Lunes, bumuluga sa telebisyon, radyo at mga dyaryo ang balita sa sunod-sunod na isinagawang “raid” na “pinangunahan” ni Interior and Local Government Sec. Mar Roxas, Criminal Investigation and Detection Group at National Food Authority sa mga warehouse ng mga rice trader.

Hindi na bago sa BITAG ang ganitong uring mga operasyon. Marami na kaming trinabahong ganitong istorya base na rin sa mga ibedensya at iregularidad na ipinaabot sa amin.

 Sa isinagawang “raid” noong Linggo, lito ang taumba-yan sa iba’t ibang anggulo at “sarsuelang” naglalabasan. Subalit, sa puntong ito, mahalagang maintindihan muna ni Juan at Juana Dela Cruz ang terminolohiyang ginamit sa operasyon o ang salitang “raid.”

 Ang “raid” ay ginagamit ng mga awtoridad kung saan bago nila  ikasa ang isang operasyon, mayroon na silang tumpak na impormasyon. Binigyan na sila ng pahintulot ng korte na lusubin ang isang establishemento sa pamamagitan ng inisyung search warrant.

 Kung sa raid sa mga warehouse, mayroon na silang impormasyon na may naghahalo ng bigas, may nangya­yaring hoarding o ‘di naman kaya yung mga NFA rice ay pinupunta sa mga bodega ng mga negosyante o yung tinatawag na diversion.

Dito nangyayari ang pagre-repak o rebagging ng mga hindi na pwedeng  kainin pang bigas na hinahaluan ng mga bago at nilalagyan ng pampabango para ibenta sa merkado.

 Para malinawan ang natu-tsubibong publiko sa isyu, kahapon, kinapanayam ko sa aking programang BITAG Live ang tagapagsalita ng NFA.

 Ayon kay Rex Estoperez, visitorial authority ng NFA ang isinagawa ng ahensya at hindi “raid” tulad ng ipinagmamalaki sa media ng DILG at CIDG. NFA ang pangunahing ahensya dito. Hindi DILG, hindi CIDG.

 Pero ang lumalabas, mayroon yatang gustong magpasikat, gusto ng publisidad, gustong maging bida sa balita.

 Ang visitorial right ng NFA ay kabahagi ng inisyu nilang permit, lisensya o accreditation sa mga negosyante para matiyak na wala silang mga itinatagong kontrabando at anumang mga iregularidad.

 Nililinaw ko lang, hindi ko layunin na manira, manggiba o mang-isulto sa aking programa at sa kolum na ito. Binibigyang-linaw ko lang ang bawat punto. Bahala na ang taumbayan na bumalanse sa isyu.

 Abangan ang BITAG Live araw-araw na sabay na napapanood at napapakinggan tuwing alas 10:00-11:00 ng umaga sa Radyo5 92.3 News FM at AksyonTV.

 

Show comments