‘Sinuspending insentibo ng mga magsasaka’
“Ang mga magsasaka ay para nating mga magulang dahil sila ang nagpapakain sa atin. Hindi sila dapat binabastos, ninanakawan at inaabuso.”
Ito ang sinabi ni Presidential Assistant for Food Security and Agricultural Modernization Secretary Francis ‘Kiko’ Pa-ngilinan sa aking programang BITAG Live ng nakapana-yam ko siya ilang araw matapos siya iluklok sa pwesto.
Ayon sa kaniya, ang mga magulang ay ginagalang, tinutulungan, nirerespeto at hindi pinagsasamantalahan. Subalit, taliwas ito sa mga sinasabi ngayon ng mga magsasaka.
Kahapon, pinayagan ko na live na dumulog sa aking programa sa telebisyon at radyo ang dalawang pangulo ng samahan ng mga magsasaka sa bansa.
Hinaing nina Edwin Paraluman, Chairman ng Philippine Farmers’ Advisory Board at Simeon Sioson, Chairman ng Federation of Central Luzon Farmers Cooperative, ginigipit sila ng gobyerno sa pamamagitan ng pagsuspinde ng Farmers Incentive Rice Purchase Program o FAIR.
Ito ‘yung insentibo at prebilehiyo na ipinagkaloob ng gobyerno sa mga magsasaka na nagsimula pa noong 1989.
Nakasaad sa FAIR na sa bilang ng kabuuang ani at naipagiling na bigas ng mga magsasaka, mayroon silang kaukulang porsyento at prebilehiyong magbenta sa tra-ders. Ito ang pinatitigil ngayon ng pamahalaan.
Malaking bagay sa mga magsasaka ang FAIR. Halimbawa, kung ang bawat kilo ng bigas ay binibili ng National Food Authority sa halagang P17, naibebenta naman nila ito ng P25 kada kilo sa mga trader.
Kaya sa halip na ibenta sa gobyerno, mas gusto nalang nilang makipag-transaksyon sa traders para makabawi man lang sa kanilang mga ginastos. Pero hindi nangangahulugan na kasapakat sila ng mga negosyanteng ito.
Sa nangyaring sunod-sunod na “raid” ng Department of Agriculture, Interior and Local Management at Criminal Investigation and Detection Group, natatakot ang mga magsasaka na baka kapag nahuli ang mga trader, sila ang sisisihin at sabihing nakikipagsabwatan.
Ang totoo, sang-ayon sila sa marching order ni Pangulong Benigno Aquino na tugusin ang mga ilegal na trader na nasa likod ng price hike at artificial rice shortage.
Panawagan ng pamunuan ng mga magsasaka sa buong bansa, kung babaguhin man o tatanggalin ng gobyerno ang FAIR, dapat magkaroon muna ng dayalogo sa pagitan ng NFA, traders at mga farmer.
Ayon kina Paraluman at Sioson, naririnig sila ng bagong upong hepe ng NFA na si Administrator Arthur Juan pero hindi sila pinakikinggan.
Abangan ang BITAG Live araw-araw na sabay na napapanood at napapakinggan tuwing alas 10:00-11:00 ng umaga sa Radyo5 92.3 News FM at AksyonTV.
- Latest