SABI ng Malacañang, kahit idineklara ng Supreme Court na “unconstitutional” ang Disbursement Acceleration Program (DAP), hindi ito illegal.
Teka, Malabo yata. Kapag wala sa batas, labag sa batas. Kapag labag sa batas eh di illegal. Katuwiran ni Presidential Spokesman Edwin Lacierda, hindi nalustay ang pera kundi napunta lamang sa ibang proyekto na mabagal ang usad para pabilisin ang implementasyon.
This is a case of the end justifying the means. Hindi ko kinukuwestyon kung ginamit ang salapi sa mabuti o masama. Ang kuwestyon ay naaayon ba sa Konstitusyon ang proseso sa paglilipat ng pondo sa ibang paggagamitan?
Kung hindi, walang pinag-iba iyan kay Robin Hood na nagnanakaw para itulong sa mga mahihirap.
Kaya idineklara ng Korte Suprema na unconstitutional ang DAP. Iisang tao lang ang nakikita kong dapat managot: Ang may ideya ng DAP at iyan ay walang iba kundi si Budget Secretary Florencio Abad.
Maaaring maganda nga ang layunin, para mapabilis ang gamit ng budget at ang pagpapatupad ng mga proyekto pero ang proseso ay wala naman sa hulog dahil may nilabag na probisyon ng Konstitusyon.
Sabi ni Greco Belgica na nangunguna sa grupong kontra sa pork barrel, ngayong deklaradong labag sa Konstitusyon ang DAP, dapat ibalik sa kaban ng bayan ang bawat sentimong ginastos sa programang ito.
Dapat din aniyang managot ang mga responsible rito.
Mayroon ngang sektor sa Kongreso na nagbabalak i-impeach ang Pangulo dahil sa lantarang paglabag sa Konstitusyon. Huwag na lang. Payo natin sa Kabataan Partylist na nagsusulong nito – aksaya lang ng oras iyan dahil walang mangyayari kundi maaapektuhan lang ang operasyon ng gobyerno. Pitong daang araw na lang mahigit sa kanyang trono si P-Noy o kulang sa dalawang taon at napakahaba ng proseso ng impeachment.
Si Abad na lang ang dapat kainitan at papanagutin.