DAPAT i-deliver ang 800,000 toneladang bigas na binili ng National Food Authority sa Vietnam nang tig-200,000 tonelada sa katapusan ng Mayo, Hunyo, Hulyo, at Agosto. Nagmamalaki ang NFA spokesman na nu’ng Hunyo 9 pa lang, 459,400 tonelada na ang dumating. Kumbaga, bukod sa 200,000 due nu’ng Mayo, dumating na rin ang 200,000 na pang-katapusan nitong Hunyo, at mahigit ikapat ng pang-Hulyo.
Samantala, kaaani pa lang nitong Marso-Abril ng palay na tinanim nang tag-init. Samakatuwid, puno ng bigas ang mga bodega ng NFA at ng pribadong maggigiling.
Kung gan’un, e bakit tumaas ang presyo ng bigas sa lahat ng siyudad nu’ng nakaraang linggo? Nagsimula sa P2 kada kilo, tapos P4, at nitong Biyernes P6 na ang itinaas. Sa Metro Manila, ang dating P37 per kilo na regular-milled rice ay 43; ang dating P42 per kilo na well-milled white rice ay P48 na.
Walang dapat sisihin kundi ang mga kawatan sa NFA.
Kickback lang ang inaatupag ng mga nasa NFA. Nitong 2014, mamahaling “well-milled long grain white rice, 15% broken†ang in-import mula Vietnam. Ito’y para hindi maikumpara ng mga graft busters ang presyo ng 702,500 tonelada ng “regular-milled rice, 25% broken†na in-import nang may P3.4-bilyong overprice nu’ng 2013.
Hindi lang ‘yun. Biglang ipinasa pa sa Vietnamese supplier ang trabaho na cargo handling (mula pier papunta sa mga bodega ng NFA). Pero, ipinuwersa sa supplier ang kaisa-isang accredited ng NFA na cargo handler. At ito’y sa overprice na $30 kada tonelada, o kabuoang P1.08 bilyon. Dahil abala sa pag-kickback, hindi inasikaso ang pagtiyak ng tamang supply. Ganito rin ang nangyari nu’ng Hunyo 2013, di ba?
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM). E-mail: jariusbondoc@gotcha.com