May kasabihan na sabihin mo sa akin ang mga kaibigan mo at sasabihin ko kung anong klaseng tao ka.
Sa isang tindahan may pumaradang sasakyan, nagbabaan ang mga pulis. May mga taong dinampot. Kinaladkad at ipinasok sa sasakyan, pagkatapos biglang umalis papalayo. Agosto 23, 2008 nang mangyari ito.
Kinilala ang mga tao na miyembro ng Station Anti-Illegal Drugs Task Force (SAID TF) at ang isa sa nahuli ay si Alonto Dima na hanggang ngayon ay nakakulong sa Quezon City Jail.
“Walang kasalanan ang kapatid ko. Tinamnan nila ng droga. Mula nun ang ina kong may sakit ay mas lalong lumala ang kanyang karamdaman,†mariing pag-aakusa ni Lugaya “Ghay†Abdulgani na taga-Cotabato.
Kwento sa kanya ni Alonto na nung mangyari yun, kasama niya ang kanyang mga kaibigan na sina Ibrahim Malang, Arman Kagilak, Jorpikal Galo at Mamal Makapaar.
“Ang mga humuli sa kanilang pulis ay sina Lazo, Torres at Labrador,†wika ni Ghay.
Sinabihan daw sina Alonto na magbigay ng dalawampung libong piso at susunugin daw ang papel dahil gawa-gawa lamang umano ito. Walang perang naibigay si Alonto kaya siya ikinulong.
Iniharap siya sa Inquest Prosecutor noong ika-25 ng Agosto 2008.
“Nung maghearing daw sila may ipinakita na ebidensiya ang mga pulis. Halagang dalawang daang pisong shabu at 0.02 na gramo,†pahayag ni Ghay.
Ayon sa salaysay ng pag-aresto nina SPO2 Isidro Torres, SPO1 David Caguioa, PO3 Jerry Ines at PO3 Eric Lazo, sila daw ay kasalukuyang naka-assign sa SAID TF.
Ika-23 ng Agosto 2008 nang dumating ang kanilang asset at sinabing ang pinaghihinalaang pusher ng ipinagbabawal na gamot na si Jorpikal Galo @“Sabe†na kanilang subject ng mga nakaraang ‘illegal-drug operation’ ay nakita daw ng asset na nagbebenta ng shabu sa Brgy. Payatas, Quezon City.
Inutusan sila ng kanilang hepe na si SAIDTF P/CInsp. Ariel Capocao upang magmanman (surveillance) at magkaroon ng ‘buy bust operation’.
Habang paparating sa lugar kasama ang kanilang asset nakita nila ang kanilang subject na si “Sabe†na nakatayo at nakikipag-usap sa ilang mga kalalakihan na hinihinalang mga kostumer ng drugs.
Naobserbahan nila na ang apat na kalalakihan ay bumibili ng shabu. Ilang minuto ang nakalipas nagbigay ng signal ang kanilang ‘poseur buyer’ kaya’t agad silang lumapit kina Sabe.
Kinapkapan nila ang limang suspek. Nakuha ni SPO1 Torres ang buy bust money kay Sabe. Isang plastic sachet naman na hinihinalang naglalaman ng shabu ang nakuha sa kanang kamay ni Malang. Maging si Alonto at ang ilan niya pang kasamahan ay nakuhanan din ng shabu.
Nagbigay din ng kanyang salaysay ang sinasabing ‘Poseur Buyer’ na si PO2 Arman Labrador.
“Inutusan ako ng aming hepe at binigyan niya ako ng dalawang daang piso bilang buy bust money,†pahayag ni SPO2 Labrador.
Ipinakilala umano siya ng asset kay Sabe bilang kostumer at kinumbinsi nila si Sabe na bentahan sila ng shabu.
“Nang maibigay ko ang bayad may kinuha siya sa kanyang wallet at nag-abot ng maliit na sachet na may lamang ‘white crystalline substance’ na pinaniniwalaan naming shabu,†salaysay ni PO2 Labrador.
Nagbigay din daw ito sa apat pang kalalakihan na nandun. Matapos ang transaksiyon saka na siya nagbigay ng signal sa kanyang mga kasamahang pulis.
“Sinampahan na ng kaso ang kapatid ko pati yung mga kasamahan niya,†ayon kay Ghay.
Violation of Sec. 11 ng RA 9165 (Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002) ang isinampa kay Alonto at sa dalawa pa niyang kasamahan. Ito ay ‘possession of illegal drugs’ dahil sa nakuha umanong shabu sa kanila.
Violation of RA 9165 Sec. 5 kay Jorpikal Galo dahil sa pagbebenta ng shabu.
“Nung panahong yun walang pera ang kapatid ko paano naman siya makakapagpiyansa. Nasa Cotabato din ako at wala naman kaming hanapbuhay dun,†salaysay ni Ghay.
Tanging pang-araw araw na pagkain lang daw ang kanilang naiitawid. Sumasama lang din silang mag-anak kapag may anihan upang kumita kahit na kaunti.
Nakikibalita lamang sila sa takbo ng kaso sa asawa ng kanyang pinsan na si Rosa Diculano.
“Walang kasalanan ang kapatid ko. Na-frame up lang daw sila,†ayon kay Ghay.
Makalipas ang ilang taong pagdinig sa kaso. Nagtakda ang hukom ng dalawang daang libong piso bilang piyansa ni Alonto.
Nais nilang mapalabas si Alonto kaya sila lumapit sa aming tanggapan.
Itinampok namin sa aming programang “CALVENTO FILES†sa radyo “Hustisya Para Sa Lahat†ng DWIZ882 khz (Lunes-Biyernes 2:30-4:00pm at Sabado 11:00am-12nn) ang kwentong ito ni Ghay.
SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, nahaharap sa malaking pagsubok itong si Alonto dahil mabigat ang parusa sa mga taong nasasangkot sa droga. Pinalawak ng ating mga mambabatas na aabot ng labingdalawang taon kapag ang pinag-uusapan ay mahulihan ka na may dala-dala kang droga.
Kapag napatunayan din naman na totoo ang sinasabi ng pamilya nitong si Alonto, kung ano ang parusa na dapat mapataw sa kanilang hinuli at tinamnam ng ebidensya, sa kanila isasampal yun.
Kadalasan naman ang korte ay kinikilingan ang mga pulis dahil inaakala nito na ginagawa lamang nila ang kanilang mga tungkulin (sense of regularity).
Hindi dapat kahinaan ito ng loob nina Alonto dahil kung totoo ang kanilang sinasabi lalabas ang katotohanan at mapapawalang sala ito.
(KINALAP NI CHEN SARIGUMBA)
SA MGA BIKTIMA NG KRIMEN o may problemang ligal magpunta lamang sa 5th floor CityState Centre bldg. Shaw Blvd., Pasig City. Maari kayong magtext sa 09213263166, 09213784392, 09198972854 o tumawag sa 6387285 at 7104038.
Hotlines: 09213263166, 09198972854
Tel. Nos.: 6387285, 7104038