NANGGAGAGALAITI sa galit si Compostela Valley Gov. Arthur Uy dahil nga sa umabot na sa P576.45 million ang utang ng Davao del Norte Electric Cooperative at tiyak na mapuputulan na ito ng supply ng kuryente dahil nga sa interest ng hindi na bayaran at sa dagdag na bayarin dahil sa patuloy nito ng paggamit ng kuryente para sa Compostela Valley at Davao del Norte.
At nag-lapsed na ang final demand ng Power Sector Assets and Liabilities Management Corp. (PSALM) sa Daneco noong March 21. Hanggang ngayon ay hindi pa rin nababayaran ng Daneco ang nasabing halaga.
At humingi na ang PSALM ng clearance sa Department of Energy upang maisilbi na ang disconnection notice sa DANECO.
Nangamba si Uy at ang libu-libong residente sa dalawang probinsya sakaling matuloy nga ang pagputol ng supply ng kuryente sa Daneco. Maliban pa sa industrial at commercial establishments sa lugar, higit ding maaapekÂtuhan ang tourism-related establishments lalo na ’yong mga nasa Island Garden City of Samal.
Tiyak ikababagsak ng negosyo at iba pang pamumuhay sa dalawang lalawigan pag naputulan nga ng kuryente ang Daneco.
Nag-ugat ang problema ng Daneco sa intense rivalry sa pagitan ng Daneco-Cooperative Development Authority at Daneco-National Electrification Authority sa kung sino ang may karapatang mamahala sa utility firm.
Naging legal dispute na ang bangayan ng dalawang kampo hanggang sa wala nang proper management sa Daneco at hindi na rin naagapan ang dapat sana’y maayos na sistema sa pagbayad ng financial obligations nito sa PSALM.
Napabayaan ang pagkolekta ng bills sa mga cusÂtomers ng Daneco hanggang sa lumobo nga ang utang nito at umabot ng P576.45 million.
Labis na lang ang galit ni Gov. Uy dahil nga sa katigasan ng ulo ng dalawang grupo. Walang gustong magpakumbaba upang maiayos man lang ang problema.
Hindi rin natupad ang referendum na dapat ay pinaÂngunahan ng DOE noong Enero upang malaman lang kung sino talaga ang gusto ng mga customers na mamahala ng Daneco.
May balak nga raw na ipaiiral ang isang cease-and-desist order laban sa Daneco-CDA upang mapahintulutan ang Daneco-NEA na magpatakbo ng uitility firm.
At ayon kay Uy, ang pangatlong option ay ang pagputol nga ng power supply sa Daneco.
Sinabi ni Uy na kakausapin niya ng masinsinan ang Daneco-CDA muna bago ang Daneco-NEA upang mairesolba na ang sitwasyon.
Ngayon na ganito na ang naging kahinatnan ng gulo sa Daneco sana naman may magpakumbaba sa kanila upang mabigyang solusyon ang problema.
Hindi kaaya-aya at hindi ikaliligaya ng mga taga-Compostela Valley at ng Davao del Norte na mawalan sila ng kuryente dahil lang sa kalokohan ng ilan sa Daneco.
Huwag naman ninyong hintayin na magalit ang mga consumers ninyo at baka hindi ninyo magustuhan ang kanilang gagawin laban sa inyong kapabayaan.