EDITORYAL - Retrato ng sakit na nakuha sa pagyoyosi, ilagay sa pakete

SA Asya, ang Pilipinas na lamang ang hindi naglalagay sa cigarette pack ng mga picture ng sakit na nakukuha dahil sa paninigarilyo. Napatunayan sa pag-aaral na ang graphic warnings sa kaha ng sigarilyo ay epektibong paraan para umiwas o tumigil sa paninigarilyo ang smoker. Maraming nagsusulong ng batas na ilagay na sa kaha ang mga larawan nang nakamamatay na sakit mula sa paninigarilyo subalit hindi maipasa sa Kongreso. Tila malakas ang pakiusap ng mga mayayamang may-ari ng mga cigarette company kaya ayaw umusad ang panukalang batas ukol sa graphics warning.

Maraming hindi maawat sa paninigarilyo sa bansang ito kaya naman marami ang nagkaka-cancer sa baga, cancer sa lalamunan, nagkakaroon ng sugat ang pisngi at dila at nagkakaroon ng sakit sa puso. Ilan lamang ito sa mga sakit na nakukuha sa paninigarilyo pero marami pa rin ang ayaw tumigil sa bisyo.

Hindi rin naging hadlang kahit malaki ang itinaas ng presyo ng sigarilyo dahil sa Sin Tax Bill na pinatupad noong 2012. Sa halip na bumaba ang bilang ng mga naninigarilyo, dumami pa. Pabata nang pabata ang mga naninigarilyo. Hindi naman maparusahan ang mga tindahan o vendor na nagbebenta ng sigarilyo sa minor. Malambot ang batas ukol dito.

Tanging si Sen. Pia Cayetano lamang ang maigting ang kampanya laban sa paninigarilyo. Naghain siya ng panukalang batas (Senate Bill 3283) na ilagay sa kaha ng sigarilyo ang photo ng mga sakit na nakukuha sa pagyoyosi. Ayon kay Cayetano, epektibo ang paglalagay ng graphic warnings sapagkat nahihikayat ang mga nag­yoyosi na tumigil na sa bisyo.

Kung ang mga picture ng sakit ay mailalagay sa kaha, matatakot ang smoker at titigil na sa bisyo. Nararapat suportahan ang SB 3283. Ilagay sa kaha ang larawan ng mga nakamamatay na sakit.

Show comments