MATAGAL na ang isyung ito. Matagal na nating pinag-uusapan ang mga VIP na bilanggo sa New Bilibid Prisons (NBP). Magmula nang mahuli si dating Batangas governor Tony Leviste na nakakalabas ng NBP kahit kailan niya gusto, ilang beses ko nang sinabi na hindi lang siya ang may mga benepisyo na hindi naman dapat ibinibigay sa mga bilanggo. Mga bilanggo na may pera, maimpluwensiya at nakapagnenegosyo habang nakakulong.
Katulad ng balita na ilang mga VIP na bilanggo ang nabibigyan pa ng mga starlet kapag nagpapagamot sa labas ng NBP! Pinaiimbestigahan ni DOJ Sec. Leila de Lima ang balita na dinalhan ng mga starlet at dancer si Ricardo Camata, lider ng Sigue Sigue Sputnik sa kanyang kuwarto sa Metropolitan hospital. Hindi ba’t laging may bantay ang mga bilanggo kapag nasa labas ng NBP? Sila ang dapat imbestigahan, dahil habang may pera ang mga VIP na bilanggo, may mabibili silang mga guwardiya at opisyal ng NBP na handang ibenta ang kanilang pagkatao. Sa totoo lang, kahit sino pa ang nakaupo sa NBP ay tila may presyo.
Dapat talaga isara na iyan at ilipat sa malayong lugar. Para wala na ang mga benepisyo na iyan na nakukuha sa Metro Manila. Makalabas man sila, saan sila pupunta? Maganda nga kung sa isang isla para hiwalay talaga. Hindi na talaga nawala ang isyung iyan ng mga VIP na bilanggo. At bakit pa sa labas ng NBP, at mga pribadong mamahaling ospital tulad ng Asian Hospital at Medical City pa kailangang dalhin ang mga bilanggo para magpagamot? Kailangan may nakatakdang ospital, mga nakatakdang doktor lamang para sa mga bilanggo, hindi ba? Si Napoles sa Ospital ng Makati dinala. Bakit hindi roon din dinala ang mga bilanggong ito? Si dating President Arroyo sa Veterans dinala. Bakit hindi roon? Asian Hospital, Metropolitan Hospital at Medical City pa? Ang suwerte naman ng mga kriminal na iyan! Parang hindi napaparusahan!
Seryosohin na sana ang imbestigasyon na iyan. Palitan na ang mga patakaran, mga tauhan, mga opisÂyal. O kaya, dapat may media na laging nakabantay sa lahat ng kilos sa NBP, para wala nang lusot. Pero hindi naman trabaho ng media kasi iyan, hindi ba? Trabaho ng gobyerno!