SA isang talumpati ni US President Barack Obama sa pagtatapos ng mga kadete sa West Point, nagbabala siya sa nababalitaang agresibong kilos ng China sa karagatan. Kailan lang ay inakusahan ng Vietnam ang China sa sinadyang pagbangga at paglubog ng isa sa kanilang mga barkong pangisda sa lugar na pinagtatalunan nila. Sinabi ko na noon na hindi malayo mangyari ang ganitong enkwentro dahil sa init na ng sitwasyon sa Paracel Islands.
Sa kanyang talumpati, nagpahayag na kikilos ang Amerika kung hindi ititigil ng China ang kanilang agresibong katayuan sa karagatan. Ang Vietnam, Japan at Pilipinas ay mga kaalyado ng Amerika. Lahat tayo ay may pinagtatalunang teritoryo sa China. Inakusahan din ng Japan ang China na idinadaan ang lahat sa lakas ng militar, at hindi sa maayos na pamamaraan. Patuloy ang batikos sa China, pero hanggang batikos na lang.
Patuloy pa rin ang mga mangingisdang Chinese sa kanilang paghango ng mga taklobo at koral sa karagatan. Walang pakialam kahit bawal hanguin ang mga nasabing taklobo, tulad na rin ng paghuli ng mga pawikan na bawal din. Wala naman tayong magawa kundi kunan na lang ng mga litrato bilang patunay sa kanilang mga ginagawa. Napakalaking lugar na nga ng bahura ang nagtatamo ng mga sugat mula sa paghango ng mga mangingisda.
Sa tingin ko, hindi na mga babala ang kailangan sa sitwasyon. Kailangan na ng aksyon. May insidente na ng paglubog ng barkong pangisda. Nababahala ako sa maaaring sumunod na diyan. Ano na ba ang estado ng ating reklamo sa UN? May nangyayari ba, o inuupuan lang? May mangyari naman kaya sa kaso natin? Parang wala man lang balita kung umuusad.
Naghahanap na ng langis ang China sa Paracel Islands. Mukhang gumagawa na ng paliparan ang China sa isang lugar na inaangkin natin. Pababayaan na lang ba ang China na gawin ang lahat ng gusto niyang gawin sa karagatan, kahit napakarami na ang nagsasalita kontra sa kanilang mga kilos?