SEVEN days na lang at Hunyo na naman mga suki! Balik eskwela naman ang ating mga anak, kaya noong Lunes nagkukumahog ang National Capital Region Police Office (NCRPO) sa pag-iikot sa mga paaralan upang mabigyan ng karagdagang pulis na magbibigay ng proteksyon sa mga estudyante. Kasi nga kung ang limang distrito lamang ng pulis sa Metro Manila ang ating aasahan tiyak na malalagay na naman sa balag ng alanganin ang ating mga anak. Alam naman natin na sa unang bugso lamang ng pasukan masigasig magpatrulya ang MPD, SPD, EPD, QCPD at NPD dahil naka-Focus ang lahat ng media sa kanilang aktibidades.
Subalit makalipas ng ilang araw diyan na natin makikita ang unti-unting pagkawala ng kapulisan sa paligid ng mga eskwelahan, kasi nga walang datung doon. Hehehe! Papayag ba naman na magutom itong mga kapulisan na maluluho’t babaero. Di ba hindi? Kaya ang mabuting gawin nitong si NCRPO chief Director Carmelo Valmoria ay rendahan na niya ng maaga itong mga opisyales ng pulis sa limang distrito upang mapigilan ang paglubog at paglutang ng mga nakatalagang pulis sa mga eskwelahan. Gawin niya ang araw-araw na roll call sa umaga at hapon sa lahat ng kapulisan na nakatalaga sa mga paaralan particular na diyan sa university belt upang makatiyak na naroroon nga ang mga ito.
At hindi lamang attendance ng mga pulis ang dapat na atupagin mo Dir. Valmoria sa araw-araw. Kasi nga ang matagal ng pamamayagpag ng mga video karera at fruit games ay dapat mo rin harapin. Kasi nga sa bawat makina na aking nabanggit, pinamumugaran din ng droga ang lugar. Sa una nahihikayat na isugal ang barya-baryang baon ng kabataan na sa kalaunan maiingganyo na ang mga ito na bumili ng droga dahil karamihan sa mga naglalaro doon ay mga adik.
Kaya ang mabuting gawin mo Dir. Valmoria ay asuntuhin ang mga bahay na nahuhulihan ng ng video karera at fruit games nang matigil na ang pagkunsinti ng ilang residente. Naging kalakaran na kasi na makina lamang ang kinukuha ng mga raiding team at hindi pinapanagot ang mga bahay na nahuhulihan kayat hindi matigil-tigil ang paglaganap nito. At upang magiging makatotohanan ang pagkilos n’yo Dir. Valmoria, maari mong gamitin ang kamandag nina Jojo Cruz ng NPD, Noel De Castro MPD, Falwart QCPD, Ed Matti EPD at Miguel Irinco SPD dahil bukam bibig sila ng mga kapulisan na kolektor nina Col. Macaraeg ng R2 at Gen. Bantolo, CDS NCRPO. Abot nila ang mga lungga na nilalatagan nina Gina at Romy Gutierrez, Paknoy at Ver Navarro ng mga VK sa Maynila, VK King Rey Recto, Jojo C, Lando at Dakne ng QC. Ilan pa lamang iyan sa mga personalidad na dapat n’yong tutukan Sir Valmoria. Abangan!