Magsasaka, mangingisda ‘dapat nang pahalagahan’

Mabuti naman at nagbitiw na sa paghehepe ng National Food Authority at Philippine Coconut Authority sina Orlan Calayag at Euclides Forbes. Susunod na raw si Claro Maranan ng National Irrigation Administration. Wala pang balita mula sa Fertilizer and Pesticide Authority.

Napagaan ang pagsimula ni Kiko Pangilinan sa bagong talagang misyon ng Presidential Assistant on Food Security and Agricultural Modernization. Inilipat kasi ni President Noynoy Aquino kay Pangilinan ang apat na ahensiya mula kay Agriculture Sec. Proceso Alcala. Ibig sabihin, dapat ibigay din ni Alcala kay Pangilinan ang pagiging chairman ng mga ito. At siyempre, dapat kapanalig sa direksiyon at kabisado sa trabaho ng bagong chairman ang mga administrators niya.

Abogado si Forbes ni Alcala sa Quezon province, kung saan dati siyang congressman. Congressional chief of staff ni Alcala si Calayag. At rekomendasyon niya si Maranan. Kailangan maipuwesto ni Pangilinan ang mga sariling pinagkakatiwalaang tao. Sana akma sila.

Madetalye ang trabaho ni Pangilinan. De-numero ang mga targets sa apat na sangay: Dami ng ani ng pagkain, lalo na bigas; presyo ng pataba at pamatay-peste; dami ng natutubigang taniman; at lago ng pagniniyog. Pero bago ang lahat ng ‘yan, hinubog ni Pangilinan ang kanyang objective. “sa wakas, bibigyan pahahalagahan natin ang magsasaka at mangingisda,” aniya  sa panayam ko.

Fifty-three years old ang average age ng magsasaka, nakatapos lang ng Grade 4, at kumikita nang P23,000 kada taon. Palalaguin daw niya ang kita nila, tuturuan ng bagong pamamataan, at pasisiglahin.

Kung magawa ‘yan ni Pangilinan, sasagana ang pagkain.

* * *

Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM). E-mail: jariusbondoc@gotcha.com

 

Show comments