HINDI lamang ang Meralco ang nagbantang magtataas ng kanilang singil, pati ang mga pribadong eskuwelahan (mapa-elementarya at high school ay magtataas din ng matrikula ngayong school year 2014-2015. Kasado na ang pagtataas ng may 244 private schools sa buong bansa kaya ngayon pa lamang naghahanap na nang maipangmamatrikula ang mga magulang. Ang ibang magulang ay naghahanap na ng mauutangan para may maipang-tuition lamang. Gagawin ng mga magulang ang lahat nang paraan para mapag-aral ang kanilang mga anak. Katwiran nila, ang edukasyon ang tangi nilang maipamamana sa mga anak. Magandang pamana ito sa mga anak sapagkat hindi mananakaw.
Ayon sa Department of Education (DepEd), inaprubahan na nila ang petisyon ng may 244 private schools na makapagtaas ng tuition fee na ang pinakamarami ay nasa Metro Manila. Umabot sa 172 private schools sa Metro Manila ang inaprubahang makapagtaas ng eight percent. Sa Region 2 ay 9.55 percent at sa Region 4B naman ay 5.80 percent.
Ayon pa rin sa DepEd, ang pagtataas ng matrikula ay para maitaas ang suweldo ng mga guro at ma-improve ang pasilidad ng mga eskuwelahan.
Pero hindi lamang pala ang mga pribadong school sa elementarya at sekondarya ang magtataas kundi pati na rin ang mga pribadong kolehiyo at unibersidad. Ayon sa Commission on Higher Education (CHEd), posibleng magtaas ng matrikula ang may 353 pribadong unibersidad at kolehiyo. Nagsumite na umano ng petisyon ang mga pribadong unibersidad at kolehiyo sa CHEd at maaaring mapagbigyan ang kanilang kahilingan. Ang dahilan ng pagtataas ay para umano sa suweldo ng mga guro at empleado ng school ay para rin sa pag-i-improve ng pasilidad.
Ang tanong ay magkaroon naman kaya ng kaÂlidad ang edukasyon na ipagkakaloob sa mga estudyante o dati pa rin na walang natutuhan. Maraming private school na wala ni isa mang board passers. Halimbawa ay ang ilang nursing schools na patuloy na tumatanggap ng mga estudyante pero wala ni isa mang nakakapasa o kulelat.
Sana, pag-isipan muna ng CHEd kung dapat aprubahan ang petisyon ng mga pribadong unibersidad. Kawawa naman ang mga magulang.