MATAPOS ang ilang linggong usap-usapan ukol sa listahan ng mga nakinabang sa PDAF scam na pinamunuan umano ni Janet Lim Napoles, nilabas na ang isa sa mga listahang hawak. Ang listahan na hawak ni rehabilitation czar Panfilo Lacson ang unang ipinaalam sa publiko. At tulad ng inaasahan, lahat ng nasa listahan na iyan ay itinatangging nakipag-transaksyon kay Napoles, o kaya’y sinisiraan lang daw sila, o kaya’y pineke ang kanilang pirma sa mga dokumento. Sa madaling salita, wala silang kasalanan. May mga hindi umiimik, may halos sigawan na ang Diyos sa langit sa galit na sila’y nakasama sa listahan.
Pero hindi pa nagtatapos diyan ang drama. May mga ibang listahan, na hawak ng ibang tao, galing sa ibang tao. Naaalala ko noong lumabas ang iskandalong “Hello Garciâ€, kung saan nakuha sa isang tape ang pag-uusap ni dating President Arroyo at Election Commissioner Virgilio Garcillano, ilan din ang nagsabing hawak nila ang orihinal o mas kumpletong tape ng “Hello Garciâ€. May nagsabing dinuktor ang tape, may nagsabing hindi sila ang nasa tape. Parang ganito na naman ang nangyayari ngayon. Inilabas na ang listahan, pero may nagsasabing kulang, peke, gawa-gawa lang, paninira lang daw, lahat na. Natural, ang talo ay ang mamamayang Pilipino.
Sa kabila ng lahat ng mga listahang ito, malinaw na tila gumuguho na ang isa sa mga institusyon ng gobyerno. Mga mambabatas ang sangkot sa pinakamatinding iskandalo ng korapsyon sa Pilipinas. Sigurado magtatagal ang isyu ng mga listahan na iyan, kung kailan isasapubliko, kung tunay, kung kumpleto. At kung matuloy na ang kaso laban sa mga tunay na sangkot sa PDAF scam, ano pa ang magagawang trabaho ng mga “mambabatas†na iyan?
Kung akala natin ay sanay na tayo sa korapsyon sa gobÂyerno, ito naman ang isa, na lumalabas na pinakamatindi sa kasaysayan ng Pilipinas. Napakaraming sangkot, sa loob ng napakahabang panahon. Kung ano ang tunay na halagang nanakaw mula sa pera ng bayan ay hindi pa talaga matiyak, pero siguradong hihigit na sa P10 bilyon ang nakuha umano sa PDAF scam. Ano na sana ang estado ng bansa, kung napunta sa mabuting paraan ang lahat ng perang iyan, imbis na napunta lang sa mga gustong mabuhay ng masarap, mayaman at marangya? Nakalulungkot na talaga ang nangyayari sa bansa. At nakatutuyo rin ng dugo.