TATLONG kritisismo ang bagahe ni Kiko Pangilinan sa pagpasok bilang Presidential Adviser on Food Security and Agricultural Modernization. Una, miski na-term out sa Senado nu’ng 2013, binalatuhan lang umano siya ng posisyon sa Malacañang kasi loyalist ni President Noynoy Aquino. Ikalawa, bilang abogado, wala raw siyang alam sa agrikultura, at naging magtatanim ng gulay nang dalawang taon lang. Ikatlo, dinu-duplicate lang daw niya si Agriculture Sec. Proceso Alcala.
Pero dahil taglay ni Kiko ang tiwala ni P-Noy, linisin na sana niya ang agriculture sector -- para may maprobetse ang bansa sa kanya. May rason sa paglagay sa ilalim ni Kiko sa apat na ahensiya ni Alcala:
• National Food Authority. Sana sibakin si Administrator Orlan Calayag. Hindi ito qualified dahil walang grounding sa food logistics. Alalay lang siya ni Alcala sa Kongreso at sa personal na NGO na katawa-tawang tinawag na PROCESO, tapos odd jobber nang walong taon sa America. Labag sa NFA Charter siyang pumasok, kasi naturalized American na nag-apply lang mag-dual Filipino citizen matapos matalaga sa puwesto nu’ng Enero 2013. Itigil sana ni Kiko ang kickbacks sa rice imports. Nakahabla na ng P457-milyong plunder sina Alcala at Calayag dahil sa overpriced import ng 407,000 toneladang bigas mula Vietnam nu’ng 2013.
• National Irrigation Administration — Pabilisin sana ni Kiko ang pag-irrigate ng milyon-milyong ektaryang sakahan. Panlaban ito sa Vietnam, na libre ang patubig mula sa Mekong River.
• Fertilizer and Pesticide Authority — Pababain sana ni Kiko ang presyo ng pataba at lason, para may laban ang mga magsasakang Pilipino. Katlo lang ng presyo ng fertilizer sa Pilipinas ang sa Thailand.
• Philippine Coconut Authority - Palitan na sana ang milyon-milyong matatanda kaya baog na punong niyog. At gapiin na ang scale-insect plague na lumipol ng puno sa apat na bayan ng Batangas.