Tunay na maipagmamalaki

PATUNAY na ang Pilipinong mandaragat ay isa sa pinakamagagaling, kung hindi pinakamagagaling sa buong mundo, tinanggihan ng European Union states ang panukalang ipawalang-bisa ang sertipikasyon ng mga mandaragat na galing Pilipinas. Sa ginawang pagsusuri ng European Maritime Safety Agency (EMSA) noong nakaraang taon, hindi raw pumasa ang kalidad ng training, edukasyon at kakayanan ng mga Pilipinong mandaragat. Kaya may panukala na ipawalang-bisa ang kanilang sertipikasyon. Ibig sabihin, hindi makakabiyahe sa anumang barko ng EU ang mga mandaragat natin.

Pero kinilala ng EU ang galing ng Pilipinong mandaragat, kaya hindi pumayag na ipawalang-bisa na lang ang mga sertipikasyon. Ang gagawin ay kailangang magbigay ng ulat ang Pilipinas sa EU kada tatlong buwan, para makita kung may nagagawang pagbabago sa mga isyu na ina-ngat ng EMSA. Sa madaling salita, babantayan ng EU ang Pilipinas sa industriyang ito. Sino nga naman ang kukuning mga mandaragat ang mga kumpanya? Ang Pilipino ay kahit papano ay nakakaintindi at nakapagsasalita ng Ingles. Masipag magtrabaho at magagaling. Kaya naman sila ang hinahangad makuha ng mga kumpanya para tauhan ang kanilang mga barko.

Hindi ako magtataka kung may mga training center diyan na hindi maganda ang kalidad. Katulad rin iyan ng mga nursing school. May mga paaralan na maayos, may mga hindi. Kaya naman isinara ang mga paaralan na hindi matugunan ang pamantayan ng gobyerno. Noong pumutok kasi ang nursing, umusbong na lang kung saan-saan ang mga “nursing school” para kumita lang.

Magandang balita ito para sa mga mandaragat natin. Pero dapat magsilbing babala na rin na kung hindi magkakaroon ng pagbabago kung saan matutuwa ang EMSA, o sino pang grupo, baka tuluyan nang pagbawalan ang mga mandaragat natin. Kailangan malaman kung sino ang mga training center na hindi maayos at ipasara na. Kailangan rin tumulong ang gobyerno sa mga mandaragat natin, at sila ang isa sa mga bagong bayani na malaki ang tulong sa bansa. Mahalaga ang industriya ng karagatan. Ang ekonomiya ng buong mundo ay nakasalalay pa rin sa maayos na biyahe ng mga barko, at magagaling na tauhan nito. Tunay na maipagmamalaki ang Pilipinong mandaragat!

Show comments