HIGANTENG karangalan ang naganap na state visit ni US President Barack Obama. At kahit pa malaking sakripisyo ang dinanas ng mamamayan, lalo na ang mga motoristang naapektuhan ng bumigat na daloy ng trapiko, maliit itong halaga kapalit ng benepisyong hatid ng pagbisita sa atin ng pinuno ng pinakamakapangyarihang bansa sa mundo.
Higit sa mga motorista ay may sektor ng lipunan na talaÂgang naperwisyo. Ito ay ang bagong pasa sa 2013 Bar na mga abogado na nakatakda sanang manumpa sa PICC Plenary hall. Matagal nang naka-schedule ang petsa ng oath taking. Hindi pa nga lumalabas ang resulta ay nakareserba na ang venue. Ang PICC ay paborito ng mga Colleges and Universities para sa graduation ceremonies kaya maaga pa lang ay unahan na sa schedule.
Ang hindi inasahan ay ang desisyong pagbisita ni Obama at ang pagtira ng kanyang entourage sa katabing gusali ng PICC, ang Sofitel Hotel (dating Philippine Plaza). Biyernes lang ng hapon nang abisuhan ang Supreme Court na kapag naka-check in na ang bisitang US President sa Hotel, kakailanganing i-security lockdown ang malaking paligid nito para sa seguridad ng Presidential party. Lalo na dahil ang PICC grounds ang gagamiting helicopter landing site ng Presidential Helicopter, ang Marine One. Hindi lamang ang PICC hanggang CCP at, sa kabila, ang papuntang MOA ang apektado. Maging ang Roxas Boulevard ay isasara sa trapiko. Sa ganitong kalagayan ng area, napilitang i-postpone ang oath taking. Kung pinilit itong ituloy, malayu-layong lakad ang bubunuin ng new lawyers at kanilang pamilya; pihadong buhol-buhol ang trapiko sa secondary roads; kung umabot man sila sa PICC ay mismong PNP ang mag-body check sa bawat isa; at kung nakapasok sa Sofitel si Obama habang ang oath taking sa PICC ay hindi pa natatapos, walang palalabasin sa venue hanggat hindi umaalis ang US President.
Kumikilos ngayon ang Philippine Association of Law Schools para asistehan ang mga naperwisyo. Malaking kunsumisyon na hindi maiwasan at walang may kasalanan.