EDITORYAL - ‘Kahihiyan’ ng lider ng South Korea

MAY kahihiyan ang lider ng South Korea sapagkat siya na ang umako ng responsibilidad sa paglubog ng passenger ferry na ikinamatay ng 300 katao na karamihan ay mga school children. Sabi ni Chung Hong-won, corruption at gawaing makademonyo ang nakikita niyang dahilan kaya nangyari ang malagim na trahedya. Sabi pa ni Chung, humihingi siya ng tawad sapagkat hindi niya nagawang mapigilan ang pangyayari at na-ging mabagal din ang pagdalo ng gobyerno sa mga biktima. Bilang prime minister, inaangkin niya ang pangyayari at nagbibitiw siya sa puwesto.

Lumubog ang Sewol noong nakaraang linggo habang sakay ang 476 na pasahero na karamihan ay mga bata. Ayon sa report, napigilan sana ang pagkamatay ng mga pasahero kung hindi nagpanic ang crew at hindi naging maayos ang desis­yon ng kapitan ng ferry. Nabatid na nakasaad sa communication na nagpanic ang mga crew kaya nagkaroon ng pagkakagulo at napunta sa isang side ang ferry dahilan para lumubog. Marami pa umanong pasahero sa ilalim ng ferry pero nahihirapang kunin ang mga ito ng rescuers.

Nabatid na overloaded ang Sewol kaya mabilis ang naging paglubog. Nabatid din na ang manipesto o listahan ng mga pasahero ay hindi tama at mara-ming kulang. Ibig sabihin, nagpasakay nang nagpasakay ang ferry sa kabila na sobra-sobra na ang pasahero at hindi na naitala sa manipesto.

Nabalot ng corruption ang biyahe ng Sewol at ang nagdusa ay ang mga kawawang pasahero na pawang mga bata.

Ang nangyaring trahedya ng barko sa South Korea ay nangyari na rin sa Pilipinas at marami na rin ang namatay. Nang lumubog ang M/V Doña Paz na nakabanggaan ang tanker Vector noong 1987 ay mahigit 4,000 ang namatay. Overloaded din ang barko nang mangyari ang trahedya. Lumubog din ang Princess of the Stars sa Romblon na ikinamatay ng 700 pasahero. Lumubog din ang Princess of the Orient sa Fortune Island sa Batangas na ikinamatay ng 150 pasahero.

Pero sa kabila nito, walang pinuno ng Pilipinas ang umako sa trahedya. Walang nag-offer ng pagbibitiw dahil sa kahihiyan. Hindi katulad sa South Korea na mayroong kahihiyan ang pinuno. Walang pakapalan ng mukha sa nabanggit na bansa.

 

Show comments