Barack is Beautiful

DARATING ngayon sa bansa si US President Barack Obama kaugnay ng kanyang 7-araw na pagbisita sa mga bansa sa Asia.

Sana’y magkaroon ng positibong epekto ang pagdalaw ng US President sa ating bansa na nakasentro sa pagbaka sa korapsyon at pagprotekta sa karapatang pantao.

Parang kailan lang, ang mga Itim sa United States ay lumaban sa racial discrimination ng mga nakararaming puti. Palibhasa’y galing sila sa pagkaalipin, mistula silang pinandidirihan ng mga puti.

Isang African-American na nagngangalang Martin Luther King ang tumindig upang ipaglaban ang civil rights ng kanyang mga kalahi subalit sa kasamaang palad ay itinumba siya ng mga taong kontra sa kanyang ipinag­lalaban. Sa kasagsagan ng labang ito, naging popular hindi lamang sa Amerika kundi sa lahat ng bansa, pati sa Pilipinas ang slogan na “Black is Beautiful.”

Pumaimbulog din sa kasikatan ang mga Black rock stars at iba pang mang-aawit tulad nila Machael Jackson, Lionel Richie, Diana Ross at iba pa.

Nagtapos  na ang diskriminasyong ito. Wala na ang paghihiwalay ng mga upuan sa mga itim at puti sa mga sasakyan at iba pang public places.

Pati nga ang pinakamataas na pinuno ng United States ay isa nang Itim sa katauhan ni Barack Obama. Ngayon hindi lang “black is beautiful” ang hiyaw ng mga Black Americans kundi  “Barack is beautiful.”

At dahil isang African-American ang President ng US of A, maaaring humihiyaw din sila ng “Obama in the Highest.” Kung tutuusin, naging minority na ang mga puti sa Amerika lalu pa’t ang bansa ay naging multi-racial na at kinabibilangan ng mga Hapones, Intsik, Pilipino, Indian, Latino at iba’t iba pang lahi.

Ang mga Pilipino raw ay ikalawa na sa pinaka-maraming  dayuhang namimirmihan ngayon sa Amerika. May mga Pilipinong nahalal na rin sa iba’t ibang political positions gaya ng gobernador, mayor, kongresista.

Malay ninyo, balang araw ay masorpresa  na lang tayo dahil ang Presidente ng Amerika ay isa nang Pilipino-American?

 

Show comments