EDITORYAL - Imported na basura

HANGGANG ngayon, nasa Port of Manila pa  ang 50 containers ng basura na galing sa Ontario, Canada. Nagbibingi-bingihan ba ang Canada at walang ginagawang aksiyon para maibalik sa kanilang bansa ang mga basura. Nakakadiring basura ang laman ng 50 containers --- adult diapers, household wastes at sari-saring plastic.

Dumating ang cargo noong Enero 21, 2014 at ang consignee umano Chronic Plastic Co. na nasa Valenzuela City. Ayon sa mga inspector ng Bureau of Customs, halos bumaliktad ang kanilang sikmura nang buksan ang containers at tumambad ang mga basura. Punumpuno ng basura na wa­lang ipinagkaiba sa mga basurang narito na sa bansa. Nakapagtataka na dinala pa rito sa bansang maraming basura ang sandamukal na basura. Kailangan pa bang umangkat ng basura.

Maski ang Canadians ay hiyang-hiya sa ginawa ng kompanya sa Ontario na nagpadala ng mga basura. Nananawagan sila sa kanilang pamahalaan na i-retrieve ang mga basurang nasa Port of Manila. Ayon sa isang Canadian, ang basura ng kanilang bansa ay hindi dapat dinadala sa ibang bansa. Ang basura nila ay nararapat na sa kanila. How horrible daw ang nangyari na ang kanilang basura ay dinala sa Pilipinas.

Ayon pa sa isang Canadian, bakit daw napa-katagal bago i-retrieve ng kanilang gobyerno ang mga container ng basura. Inabot na raw ng apat na buwan. Dapat ibalik na ang mga ito. Nakakahiya sa Pilipinas ang ginawa ng Canadian firm.

Ang Canada ay mahigpit ang batas ukol sa pangangalaga sa kanilang environment. Lahat nang nakasisira sa kapaligiran ay ipinagbabawal. Nakapagtataka kung bakit hinayaan nilang makalusot ang 50 containers ng basura at dina­la sa bansa. Gusto nilang maging malinis ang kanilang bansa sa hazardous waste pero hindi nila iniisip ang kalagayan ng ibang bansa.

Nararapat nang magsampa ng reklamo ang Pilipinas para maipabalik sa Canada ang kanilang basura.

Show comments