AYON sa DOJ, nakaalis na ng bansa si Jose Paolo Calma o JP Calma, isa sa mga akusado sa kaso ni Vhong Navarro. Nakaalis noong April 10, tatlong araw bago lumabas ang warrant of arrest para sa kanilang lahat para sa kasong grave coercion. Ayon kay Sec. Leila de Lima, may Lookout Bulletin Order (LBO) para kay Calam tulad ng kay Ferdinand Guerrero, pero “nalito†raw ang kanilang impormasyon. Ang nakalagay daw sa computer ay John Paul Calma, kaya nang pumila si Jose Paolo Calma sa immigration ay hindi tumimbre ang computer. Ganito kadali pala makaalis ng bansa. Baguhin lang ang pangalan ng ilang letra, lusot ka na! Talaga naman! Kailangan baguhin ng DOJ at BI ang kanilang mga patakaran kaugnay ng LBO. Lumalabas na napakadali talagang maka-alis ng bansa ang isang tumatakbo mula sa batas.
Bakit hindi lahat ng posibleng alyas ay ipinasok sa computer? At wala bang larawan na kasama ang LBO? Kung mapapalitan ang letra ng pangalan, siguro naman hindi basta-basta mapapalitan ang mukha! Sa Singapore daw nagtungo ang puganteng Calma. Mula doon ay wala pang impormasyon ang gobyerno. Makatulong kaya ang mga otoridad ng Singapore?
Sigurado hahanap si Calma ng bansa na walang kasunduang extradition sa Pilipinas. O kaya ay magtatago nang husto sa anumang bansa na meron, tulad ng Amerika. Ibig sabihin, may pera ang tao o ang pamilyang ito para magawa iyan. Kung talagang gugustuhin, mahahanap at mahahanap itong taong ito. Sana naman hanapin. Sana mapabalik sa Pilipinas at harapin ang hustisya. Total, tumulong lang naman siyang pigilan ang isang panggagahasa, hindi ba? Eh bakit tumatakbo na? Masasabi na natin na hindi si JP Calma ang gusto nang kumanta hinggil sa kaso.
Talagang lumabas ang karakter ng grupong ito ni Cedric Lee. Noong sa palagay nila ay sila ang may kontrol ng buong sitwasyon, napakaangas ng mga pahayag kung saan-saan. Ngayong iba na ang ihip ng hangin at marami na ang ebidensiya laban sa kanila, tumatakbo na, nagtatago na. Tiyak na hinihintay na ng buong bansa ang magiging pahayag ng gusto nang kumanta hinggil sa “Oplan Bugbogâ€. Pero mukhang may bagong operasyon na sila Cedric Lee. “Oplan Takbo at Layasâ€!