HABANG tinitipa ko ang kolum na ito ay nakatakda nang operahan si Janet Lim Napoles upang alisan ng tumor sa matris sa Ospital ng Makati. Maaaring habang binabasa n’yo ito ay nakaraos na ang operasyon.
Nagpa-presscon si Justice Secretary Leila de Lima para sabihing nakausap niya sa pagamutan si Napoles kahapon at marami ito’ng ibinunyag tungkol sa P10 bilyong pork barrel scam. Si Napoles daw, sa pamamagitan ng isang emisaryo ang nagpaabot ng feeler para kausapin ang DOJ chief.
Ipit na si Napoles. May matandang kasabihan na ang taong gipit, sa patalim man ay kakapit. No recourse but to tell all imbes na magdusa nang nag-iisa gayung marami silang nagpasasa sa scam.
Sabi nga ni de Lima, inabutan niya sa kanyang silid si Napoles na nagrorosaryo sa harap ng mga religious image.
Pinapirma raw ni de Lima ng sinumpaang salaysay si Napoles para dokumentado ang kanyang pahayag. Kaso, tumanggi si de Lima na ihayag ang mga ipinagtapat ni Napoles maliban sa pagsasabing kinumpirma nito ang pagkakasangkot ng tatlong senador na sina Juan Ponce Enrile, Jinggoy Estrada at Bong Revilla. Marami pa raw serye ng pakikipag-usap kay Napoles ang gagawin ni de Lima.
Ang kuwestyon ngayon ay kung papayagan ba o hindi na maging state witness si Napoles. Iyan ngayon ang big question mark dahil sa ngayon, lumalabas na siya ang big culprit sa anomalyang ito. Sa ilalim ng batas, yun lamang taong maliit ang pagkakasangkot sa isang krimen ang puwedeng gawing testigo.
Isang capital crime ang plunder at hindi man sabihin ni Napoles, siguradong kinakabog sa nerbyos ang kanyang dibdib at ang tanging hangad ay maging testigo siya sa krimen imbes na akusado. Kaya naniniwala ako na sa puntong ito sa kanyang buhay, nakahanda si Napoles na isiwalat ang lahat.
Kung hindi man maaprobahan ang pagiging state witness niya, baka naman mabigyan siya ng mas mababang sentensya sa pamamagitan ng plea bargaining. Well, abangan!