‘Pangako at reporma’

HINDI naghahangad ng puro pasarap at kaginhawaan ang taumbayan sa termino ni Pangulong Noy Aquino.

Ang mga pangakong reporma noong panahon ng kampanya ang higit lang na inaasahan, gustong matupad, makita at maramdaman ng mga mamamayan. Ang mga nasa ibaba o ‘yung mga nakakaramdam ng hirap at panga­ngalam ng sikmura ang unang-unang nakakapansin kung may katuparan ba ang mga pangako ng administrasyon.

Kamakailan, naging laman ng programa ko sa radyo at telebisyon ang pagka-bwisit ng tagapagsalita ng Palasyo na si Secretary Edwin Lacierda sa hinaing ng mga sumasakay sa MRT, LRT at PNR.

Nilinaw ng kalihim na isinasagawa daw nila ang totoong reporma pero hindi daw nila sinabing “rose garden” o hardin ng rosas. Matalinghagang salita ang “rose garden.” Ibig sabihin ni Lacierda, hindi nila ipinangako na ang kanilang aksyon partikular sa problema sa mga tren ay sasakto at tutugma sa ekspektasyon ng mga nakakaramdam ng kalbaryo.

Kaya ang nakikita ngayon ng mga mananakay, puro tinik at dahon ng rosas. Matagal ng problema ang transportasyon sa kamaynilaan. Araw-araw, linggo-linggo, buwan-buwan at taon-taon, lalo lang lumalala ang problemang hindi pa rin naso-solusyunan.

Lalo na at nagsibalikan na naman sa Maynila ang mga nagbakasyon ngayong Semana Santa. Hindi na naman mahulugang-karayom ang mga mala-sardinas at mala-pugon na bagon ng tren. Hindi sinisisi ng taumbayan ang Malakanyang dahil sa nakaraang survey, mataas ang trust rating ni Pangulong Noy Aquino.

Ang problema, ang mga nakapaligid sa kaniya, ‘sang-   ka-terbang mga palpak. Unang-una na ang mga “nagpapayaman” at nagpapalaki lang ng tiyan dyan sa DOTC. Iniluklok at inilagay sa pwesto pero nagpapabaya. Sa simula palang ng kanilang termino wala na sa isipan ang mga gagawing hakbang at reporma sa pinamumunuang ahensya.

Sa halip na aksyunan at iresolba ang problema, ibinu­bunton pa nila ngayon ang lahat ng sisi sa nakaraang administrasyon. Sa matatapos na termino ni PNoy, walang nakikitang liwanag at solusyon ang taumbayan dahil sa kapabayaan, kapalpakan at kahinaan ng mga iniupong “KKK” sa pamahalan.

 Ugaliing mankinig at manood ng BITAG Live araw-araw tuwing alas-10:00-11:00 ng umaga sa Radyo5 92.3 News FM at AksyonTV.

 

 

Show comments