MAY katwiran si Sen. JV Ejercito, chairman ng Senate committee in urban planning, housing and resettlement na itaas sa plunder ang kaso ni Delfin Lee kaysa estafa. Pandarambong ang nararapat sapagkat pera ng mga miyembro ng Pag-IBIG ang sangkot dito. Kung pandarambong, mabigat ang hinaharap na kaso ng housing developer at maaaring sa piitan na siya habambuhay.
Nagkaroon ng pagdinig ang Senado sa multi-milyong housing scam na kinasasangkutan ni Lee, may-ari ng Globe Asiatique. Isinagawa ang pagdinig noong Martes at ginisa ang mga dating namumuno sa Pag-IBIG funds na pinangungunahan ni dating Vice President Noli de Castro na nagsilbi ring Chairman ng Housing and Urban Development Coordinating Council (HUDCC). Lumabas sa hea-ring na binigyan ng “special treatment†si Lee kaya nakapag-takeout ng P7 bilyon sa Pag-IBIG. Ayon kay Ejercito, binigyan ng “special lane†si Lee. Kahit saan daw anggulo tingnan, kapuna-puna ang malaking take-out ni Lee kumpara sa ibang hou-sing developers at naging madali ang pagkuha ng bilyones gayung ang iba ay hindi. Sobrang malaki ang nakuhang pera sa Pag-IBIG at isiping ito ay pondo mula sa contributions ng taumbayan. Sabi naman ni De Castro, walang “special treatment†kay Lee. Pero ayon kay Atty. Darlene Berberabe, CEO ng Pag-IBIG, nagkaroon ng “special arrangement†kay Lee noong 2009.
Lubhang naging kawawa ang mga taong kumuha ng bahay at lupa sa Asiatique. Maraming nagbayad pero hindi nakapangalan sa kanila ang titulo. Nagkaroon ng double selling. Hindi lamang dalawa kundi tatlo ang nagmamay-ari sa bahay. Ayon sa isang babaing nalinlang na dumalo rin sa Senate hearing, binayaran niya ng cash ang bahay at lupa pero hindi nakapangalan sa kanya ang titulo. Ang masaklap, pinaaalis pa siya ng Asiatique dahil hindi raw siya nakakabayad ng monthly hulog sa Pag-IBIG. Halos mapaiyak ang mga nalinlang ng Asiatique.
Halukayin pa ang kaso ni Lee. Maaaring marami pang taga-Pag-IBIG ang sangkot dito at dapat silang kasuhan. Madaliin sana ang paglilitis para naman makamit ng mga nalinlang na Pag-IBIG members ang hustisya.